Medium: Kap. na Ligaya
February 20, 2021 / 5:07 PM
Tanggapin ninyo ang masaganang pagpapala mula sa mga langit, at nawa’y magkaroon kayo ng mga pagnanasa na maunawaan, pag-aralan ang mga panawagan ng Kabatlyaan upang madama ninyo ang ganap na kapayapaan ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban, ngayon at magpakailan man.
Mga minamahal na kapatid, muli na naman kayong naririto, napasasalilong sa malapay na pakpak ng simulain ng espiritismo upang makainom kayo ng mga tubig na siyang hahawi at magbibigay ng kasiyahan ng inyong mga pagkatighaw. Muli na naman kayong naririto upang bigyan ng pagkakataon ang inyong mga tunay na pagkatao na muling makakain sa hapag ng Panginoon ng mga pagkaing magpapalusog hindi lamang ng inyong mga katawang laman kundi higit na’y ng mga tunay ninyong pagkatao. Sa pagkakataong ito’y nais kong bigyan ng pahapyaw na paliwanag ang kamatayan ng isang kapatid na nag-aaral ng simulaing ito ng espiritismo.
Ano ang kamatayan? Ang kamataya’y paghihiwalay ng katawang laman at ng inyong mga espiritu. Ang kamataya’y dumarating sa lahat at bawat isa nang hindi ninyo nalalaman. At sa ganitong kalagayan, muli akong nananawagan, habang nagtataglay pa kayo ng lusog ng katawan, ng liwanag ng pag-iisip at mayroon pa kayo ng lakas upang makitalad sa kapatagang ito ng mga hugis. Alalaumbaga mga minamahal ko ang ibig kong sabihin, ang kamataya’y isang pagkakataon na itinakda ng Kaitaasan at sapagkat ito’y kalooban ng Dakilang Ama, walang makapipigil sa mga pangyayaring nakikita ng inyong mga paningin.
Lamang mga minamahal ko, gaya nga ng aking sinabi, na habang nagtataglay pa kayo ng lusog ng katawan, ng liwanag ng pag-iisip, sana’y magamit ninyo ang pagkakataong sa inyo’y pinagkaloob nang buong kababaan, ng buong katalinuhan, ng buong puso na kayo nga bilang isang nilikha na nakauunawa ng kahalagahan ng buhay ay hindi masayang ang mga pagkakataong ito na hindi ninyo mabigyan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng paggawa ng mga kabutihan at kabanalan na nalalaman kong taglay ng inyong mga espiritu bago pa kayo nanaog at pinahintulutang makitalad sa kapatagang ito. Lamang mga minamahal ko, dala marahil ng tao, na mayroon ng bahagi ng daigdigan kaya nga kung minsan, nang dahil sa ganda at alindog ng daigdiga’y nakalilimot ang isang nilikha sa kanyang banal na tungkuling ipinangako sa kapatagang ito.
Magkagayon nga mga minamahal ko, sa kabila na kayo nga’y naaaliw, nakalilimot, subalit ang Kabatlayaan, ang Kaitaasa’y hindi nagpapabaya, dumarating at dumarating ang tinatawag na pagtapik. Dumarating ang mga pagkakasakit ng inyong mga katawang laman, hudyat na kinakailangang magmuni-muni kayo sa inyong mga sarili. Halungkatin ninyo ang bawat himaymay ng inyong mga puso na ang mumunting mga agiw na siyang magiging dahilan upang matabunan at mahantad ang tunay na kadalisayan ng inyong pagkatao ay hindi ninyo kailan ma’y pagdududahan at kayo nga bilang tao, alam ninyo kung kayo ay nagkukulang, kung kayo ay gumagawa ng alit sa kabutihan sapagkat naririyan ang tinatawag na karma, na anuman ang gawin ninyo sa inyong kapwa, ito ay babalik at babalik sa inyo. Kaya nga mga kapatid, sana bago dumating ang tinatawag na paghihiwalay ng inyong katawang laman at espiritu ay nagkaroon na kayo ng maraming pagkakataon na makapagtipon ng mga baunan, hindi ng mga kayamanan ng lupa kung hindi mga baunang nauukol sa kayaman ng inyong mga espiritu.
At kung papaanong sinariwa ang araw ng abo, ganyan kayo mga minamahal ko, kayo’y nagmula sa abo, pagdating araw ay babalik din kayo sa abo. Wala kayong matataglay ni gabutil ng buhangin o alin mang bagay sa kapatagang ito. Iiwan at iiwan ninyo sa daigdigang inyong pinamamayanan. Wala kayong matataglay kung hindi ang gawang kabutihan at kabanalan.
Mga minamahal ko, nawa’y nakapagbigay ako ng munting aralin sa aking mga minamahal na mga kapatid na nakikitalad pa sa daigdigang ito ng hugis, ng luha at hinagpis. At sapagkat ang mga bagay sa daigdigan ay iiwan at iiwan ninyo, bakit ninyo uubusin ang inyong panahon, bakit ninyo iuukol ang mga pagkakataong makagawa kayo ng mabuti ay hindi ninyo gagawin.
Kung papaano ang panahon ay sinasabing ginto, ang lahat ng sandaling lumipas ay hindi na muling magbabalik. At kung papaanong matulin ang bawat tik tak ng orasan, umalinsabay kayo sa bawat paglipas ng mga sandali na nagtataglay kayo at nagtitipon ng mga kayamanan ng mga langit na siyang tanging magiging baunan na siyang madadala ninyo sa kabilang buhay.
Yan ang maikling abot sabi sa inyo na aking maiiwan. Pag-aralan ninyo at marahil, nakapagbigay ako ng munting silahis ng liwanag upang hindi pa huli ang lahat upang ang inyong araw ng bukas na walang nakababatid dumating man ang tintawag na paglisan sa kapatagan, mayroon kayo ng mga ngiti sa mga labi, taglay sa inyong mga pagkatao ang isang kaligayahan na nagkaroon kayo ng munting kaalaman na kailanma’y hindi ninyo pagsisisihan habang kayo ay naririto sa kapatagan.
Muli ay tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng mga langit. Mabigkis kayo sa ganap na pagkakaisa. Mag-ibigan kayo nang walang pagtatangi. Magpatawaran sa bawat pagkakasala. Magpaumanhinan sa bawat pagkukulang upang madama ninyo ang ganap na kapayapaan ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban.
Paalam ang inyong protektor, Antonio de Padua.