Medium: Kap. na Robit
April 2, 2021 “Siete Palabras”/ 1:07 PM
Tanggapin nawa ninyo ang dakilang pagpapala na sa inyo’y iniaalay ng Kaitaasan upang madama ng bawat isa ang tunay na daluyan ng mga pagpapalang sa inyo’y pinagkakaloob ngayon at sa lahat ng sandali.
Sa mapalad na sandaling ito’y, muli ang bawat isa ay inaanyayahan upang sa pagkakataong ito’y ipadama sa bawat isa ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Sa dakilang sandaling ito ay muling bubuhayin, muling ipapaalala, muling bibigyan ng diwa ang mga mahahalagang tagubilin ng Panginoong Hesus sa lahat at bawat isa.
Kung inyong babalikan ang kasaysayan, habang unti-unting humihina ang katawang laman, habang hinihintay ang oras na malagot ang hininga ng Panginoong Hesus, kasabay nito ay lumalakas naman ang panawagan sa lahat at bawat isa ang tagubilin na mananatiling buhay sa isip, damdamin at kalooban ng bawat isang mananampalataya sa Panginoong Hesus hanggang sa wakas ng panahon. Ang mga panawagang ito ay mananatiling buhay sapagka’t ang mga salitang ito’y bubuhay sa mga patay. Ang mga salitang ito’y gagamot sa maraming karamdaman ng may sakit. Ang mga salitang ito’y magtuturo upang ang bawat isa ay makalaya sa mga kamangmangang umaalipin sa bawat isang kalagayan. Ang mga salitang ito ay patuloy na maghahatid ng kapangyarihan o milagro sa bawat isang kalagayan. Ang mga salita ring ito ay magpapahupa sa malakas na hangin at alon sa karagatan kung kaya’t tunay na mahalaga na ito’y itanim nang malalim sa inyong isip, damdamin at kalooban sapagkat ito ang daan ng kaligtasan ng sangkatauhan.
Mga minamahal na mag-aaral, ang kaalaman ay pinagkakaloob sa lahat at bawat isa subalit mayroong magsasabing hindi niya nauunawaan sapagka’t marahil ay kulang pa ng kaparaanan, marahil hindi pa ito ang tamang panahon. Ang liwanag ay hindi makikita ng isang bulag subalit kung hahanapin ang mga kaparaanan, ang diwa ay mauunawaan. Kung ididilat ang mata marahil ay makikita ang katotohanan, kung kaya’t tunay na mahalaga sa bawat isa ang magsikhay ng karunungan upang sa gayon ang maraming kakumbakitan sa buhay na ito ay matutunan ang kasagutan, matagpuan ang solusyon sa mga suliranin, matagpuan ang gamot sa mga karamdaman at iba pang tiisin sa buhay.
Kung kaya’t sa pagkakataong ito, aking mga minamahal na mag-aaral, muli ay ihahayag ng Kaitaasan, muli ay ipauunawa, muli ay daragdagan ang inyong mga kaalaaman, muli ay ipapaalala sa inyo ang mga tungkuling nakaligtaan, muli ay sasariwain sa bawat isa ang mahahalagang tagubilin bago pa man matapos ang buhay ng Panginoong Hesus sa kapatagang ito. Subalit katulad ng nasabi, mananatiling buhay ang mga salitang ito, pagsusumikapan ng bawat isa na maisakatuparan ang mga tagubiling ito.
Dagdadagan ninyo ang inyong pakikipag-ugnayan sa Kaitaasan, dagdagan ninyo ang inyong kasiglahan sa pagtupad ng mga tungkulin. At lagi nawang taglayin ninyo ang kasiglahan sa paghahayag ng mga salitang itinuro sa bawat isa sa mahabang panahon ng inyong pakikipag-aral sa ilalim ng paaralang ito ng espiritismo. Ang bawat isa ay nakaugnay sa puno ng ubas. Ang bawat isa ay mayroon ng mga taglay na kaalaman o talento upang maging mabuting manggagawa sa malawak na bukirin.
Kung kayat sa pagkakataong ito’y muling hinihiling ng Kaitaasan na nawa’y bigyan ninyo ng malalim na pang-unawa. Ibigay ninyo ang mahahalagang oras upang inyong pagyamanin ang mga salitang ipagkakaloob sa bawat isa at nawa’y ito ay tumimo, ito’y mamunga at ito’y inyong maipagkaloob lagi na sa maraming kapatid na sa kasalukuyang panahon ay sumisigaw … “Ako’y nauuhaw, bakit mo ako pinabayaan.” Maraming mga kapatid ang nangangailangan.
Tunay nawa na ang bawat isa ay magkaroon ng kaparaanan upang ang mga tagubilin na ito ay hindi nyo lamang tanggapin sa pamamagitan ng inyong pandinig ng inyong mga kaunawaan, higit na’y ito’y mailagay ninyo sa paggawa sa lahat ng sandali, lakip ang kasiglahan, lakip ang kababaang loob, higit na’y ang pagkakawanggawa sa inyong kapwa na kung saan ito ang kadahilanan kung bakit ang Panginoong Hesus ay isinugo ng Kanyang Ama sa sangkatauhan, upang maging halimbawa, upang ipahayag ang tunay na dahilan ng pag-ibig ng krus sa sangkatauhan.
Ito lamang ang bahagi na sa inyo ay aking maipagkakaloob at nawa’y muling ituon ang mga sarili sa mahahalagang aralin, karunungan na sa inyo ay ihahayag ng Kaitaasan sa dakilang sandaling ito.
Muli ay tanggapin ninyo ang pagpapala. Manatili sa inyo ang kapayapaan, ang tunay na pagmamahalan, pagdadamayan, ngayon at sa lahat ng sandali. Ang inyong patnubay… Lucas.