Medium: Kap. na Sweet
April 2, 2021 “Siete Palabras”
Kapayapaan, pagkakaisa, matapat na pag-aaral, taimtim na pang-unawa ang siya nawang pumagitna sa inyong kalagayan sa muling paghaharap at pagtitipon bilang paggunita sa pagpapasakit ng Panginoong Hesukristo sa ikauunlad ng kamalayan at pagkapanuto ng kalagayan ng tao. Kaluwalhatian, katahimikan ang maghari nawa tuwina, ngayon at sa lahat ng sandali.
Kung walang nagkamali, walang kaluwalhatian, kung hindi kinulang sa pang-unawa, walang pag-aaral na magaganap, walang talakayan, walang buhay na gugunitain, kaya’t kung hindi nga nagkanulo ang isang Hudas, hindi magkakaroon ng pagpasan ng krus, hindi magkakaroon ng malawakang pagbabago, hindi mabubuhay ang nahimlay na Hesus na lubhang pinahirapan ng kamangmangan, pagkamakasarili, kahinaan ng tao. Ang naging papel ay lubhang kinakalimutan ng sangka-Kristiyanuhan, sino baga ang aalala sa isang nagtaksil, sino ang magbibigay pahalaga sa isang nagkamali, nagpakamatay dala ng kanyang kamangmangan at kahinaan?
Subalit bago nyo kalimutan ang paksang ito na nangyari sa buhay ng Mananakop, sama-sama nating pag-aralan, unawain ang pangyayaring ito nang mayroon ng karunungan at pag-ibig, na kung may mali man ay maiwasan ng aking mga kapatid na naghahanap ng kaunlaran at pagbabagong pang-espirituwal. Katotohanang sinasabi ko, lubos ang galit, walang galang sa pangalan ni Hudas, sapagkat nang dahil sa kanya ay naging alamat ang buhay ni Hesus, nawalay si Hesus sa sangka-Kristiyanuhan. Subalit ng dahil din sa kanya, nagkaroon ng isang paksang pag-aaralan, uunawain, iiwasan ng isang tao o mag-aaral (student) na naghahanap ng pagbabago. Pag-aralan natin kung ano ang nagtulak sa Hudas na ito na ipagkanulo ang isang Hesus na walang pagkakamaling nagawa, nalalaman niyang handang magbigay ng buhay, punong-puno ng pag-ibig at tunay na nanggaling sa Ama. Kasama niya at natunghayan niya ang Kanyang himala, ang pagpapakasakit, ang paglimot ni Hesus sa Kanyang sarili upang matupad lamang ang isang papel na tinalaga sa Kanya ng Ama. Ano pa ba ang magtutulak sa isang matinong nilalang, matalino, galing sa marangal na pamilya na ipagkanulo sa pamamagitan ng halik ang Panginoong Hesukristo?
Sa huling bahagi ng buhay ni Hesus, natala sa kasulatan, dumating ang isang babae, may dalang alabastro na mayroong mamahaling orguwento sa loob, binasag ang alabastrong ito at inalay kay Hesus sa Kanyang ulunan ang mamahaling orguwento. Nang makita ito ng mga alagad ay kanilang sinabi … “Ano ang layon sa pag-aaksayang ito? Bakit itinapon ang mamahaling orguwentong ito sa Panginoon? Kung ito ay ipagbibili na lamang, sa halaga nito’y maraming dukha ang matutulungan.” At naririnig ni Hesus ang pagkabagabag na ito, ang pagtatanong na ito, ang diskusyon at pagtatalong ito, kaya’t sinabi Niya, “Bakit niyo binabagabag ang babaeng ito? Sapagka’t gumawa siya ng kabutihan sa Akin? Sapagka’t ginawa niya ang lalong karapatdapat? Sapagka’t ang dukha ay kasama ninyo, subali’t Ako ay hindi nyo kasama lagi na. Sapagka’t baga, ginawa niya at inihanda niya sa Akin ang nararapat bilang paglilibing sa akin. Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, saan makarating ang ebanghelyong ito, sasalaysayin at gugunitain ng marami ang ginawang ito ng babae.”
Nang marinig ito ni Hudas, pumunta siya agad sa punong pari at tinanong, “Kung ibibigay ko sa inyo si Hesus, ano ang ibibigay ninyo sa akin?” At siya’y tinimbang at binigyan ng halaga, “tatlumpung pirasong pilak”. Sapat na magmula sa sandaling yaon, umisip ng paraan si Hudas upang ibigay si Hesus sa mga Seserdote, sa mga punong pari, harapin ang Kanyang pagpapakasakit, ang Kanyang pagkamatay, ang Kanyang pagkabayubay sa krus.
Mga minamahal ko, nang dahil sa tatlumpung pirasong pilak, ibinigay niya si Hesus sa takdang kamatayan. At dahil dito, naging malupit ang kasaysayan kay Hudas. Labis ang pagsisisi sa huli. Nang ibalik man niya ang tinanggap na yamang pilak, hindi na iyon naging sapat upang bawiin pa si Hesus sa kamay ng mga kaaway.
Mga minamahal ko, minsan sa buhay ng tao, nagkakaroon kayo ng maling pang-unawa, maling paniniwala, maling pagtanggap na nang dahil dito, nagkakaroon din kayo ng maling gawain, maling pananaw sa buhay, maling pananalita, puspos ng kahinaan. Hindi akalain ni Hudas na sa pagtanggap niya ng salapi na inaasahan niyang pantulong sa kapwa, pantulong sa dukha ay naipagpalit niya ang buhay ni Hesus.
Mga kapatid ko, minsan din sa buhay ng tao, hindi ninyo namamalayan na sa paglipas ng panahon, sa paggugol nyo ng mga sandali, nalilisya kayo sa tunay na hangarin ng buhay. Bawat isa ay binigyan ng pagiging maliit na Diyos. Nasa inyo ang simulain ng Kristo, ng pagsulong, ng pagbabago at ito ang dahilan kung bakit kayo naririto sa kapatagan ng lupa. Subali’t dala ng kahinaan, dala ng maraming kalituhan sa buhay, nababago ang pagpapahalaga at prayoridad ng isang nilikha na dapat sana’y gugulin niya ang kanyang sandali sa pagkakawanggawa.
Nababago ang pagpapahalagang ito, una, hindi niya natutuklasan ang tunay na pagkakawanggawa. Pangalawa, kinukulang siya ng panahon sa pagkakawanggawa. Sinabi ni Apostol Pablo, “gawin ninyo ang inyong buhay ay pagkakawanggawa”. Paano kaya ito magagawa ng isang taong nabubuhay lamang sa isang maikling panahon, maraming alagatain na dapat isakatuparan, maraming mga tungkuling dapat tupdin, maraming papel na nakaatas sa inyong mga buhay na umaagaw sa mga sandaling ginugugol nyo sa kapatagan ng lupa.
Mga kapatid ko, magagawa ninyo ito kung uuriin ninyo ang mga bagay na mahalaga para sa inyo. Darating ang sandali kung lalawak ang inyong pang-unawa at pag-aaral, matutuklasan ninyo na ang pagkakawanggawa ay hindi lamang sa pagsasalita kung hindi sa pananahimik din. Na ang pagkakawanggawa ay hindi lamang sa pagsulong, minsa sa pag-urong din. Na ang pagkakawanggawan ay hindi lamang sa pag-alala, minsan sa paglimot din. Na ang pagkakawanggawa ay hindi lamang sa paglabas ng bahay, kung hindi minsan ay sa pagtigil din sa loob ng inyong mga tahanan. Na ang pagkakawanggawa ay hindi lamang sa pagtanggap, minsan ay sa pagtanggi rin. Unawain ninyo ang mga salitang ito na kinakailangang mauna sa inyo ang pagdidisiplina sa inyong mga sarili. Ang pagkilatis sa mga bagay at karanasang dumarating sa inyo, na hindi kayo laging susugod, na hindi kayo laging lalaban, na hindi kayo lagi na magpapakita ng lakas, minsan kinakailangan na kayo’y maging maamo. Tigilan ang paghatol na magbibigay ng alingasngas sa sanlibutan. Hindi kayo lagi nang magsasalita, minsan ay ititikom ninyo ang inyong mga bibig. Ito’y magandang halimbawa ng pagkakawanggawa. Pipigilan ninyo ang inyong mga sarili sa pag-aalala. Pipigilan ninyo ang inyong mga sarili sa pagtatanong ng mga bagay na kakakitaan ng inyong kahinaan, sapagkat sa pamamagitan nito nakahahawa ang kahinaang binibigay ninyo sa inyong pamayanan. Kung magiging malawak lamang ang pang-unawa ng bawat mag-aaral, hindi kayo manghihina, hindi kayo hahatol, hindi kayo aasa lamang sa iba. Sapagkat makikita ninyo sa kalagitnaan ng lakas ang subaybay. Kayo’y tulad ng bateryang de namo, nariyan ang lakas sa inyong pagkatao, kinakailangan lamang maidugtong kayo sa malaking lakas na pangkaitaasan na nagmumula sa kaespirituhan.
Mga kapatid ko, sa panahong ito na ang tao’y iniligpit, pilit na pinatahamik, pilit na tanggapin ang mga pangyayaring nagaganap sa kanyang mga buhay, pinapakumbaba kayo. Dito ninyo mararamdaman ang subaybay ng kaespirituhan na mula pa noon sa buhay ng Mananakop, maging ng mga Propeta, ay natatanggap na ng mga tao. Subalit dala ng kahinaan at mga kamangmangan, dala ng takot ng tao sa gawa, sa pagkakamali, pagkakasala, pangungutang na ginawa niya ay binura niya ang reinkarnasyon. Binura niya ang katotohanan na ang espiritu’y nabubuhay sa dako paroon sa daigdigan ng espiritu. Muling magbabalik at hahanapin ang kanyang pagkasulong. At dahil dito, walang magagawa ang tao kundi panghawakan ang pilosopiyang ito, muling buksan ang bintana, muling pakinggan ang tinig ng sa kanya ay nanghaharana. Muling tanggapin ang tabing, pakinggan ang subaybay na lagi nang nasa kanya. Na kung ang lahat ng tao ay makatatanggap ng katalinuhang ito, ng katotohanang ito, mga kapatid ko… walang malulumbay. Sapagkat ang espiritu ng iyong mahal sa buhay ay mararamdaman mo, nariyan, sumusubaybay sa iyo, umaalalay sa iyo, hindi siya itinago, hindi siya inilayo sa iyo, ikaw, dala ng maling paniniwala at kahinaan, dala ng isang araling nakagisnan ang siyang tumatanggi na tanggapin ang katotohanang ito.
Mga kapatid ko, ang Kabatlayaan, sampu ng inyong mga mahal sa buhay na yumakap sa simulaing ito ng espiritismo na naroon sa daigdigang mas malaya kaysa daigdigang inyong ginagalawan, sila’y umaalalay, sila’y sumusubaybay na sa panahong ito na kayo ay nag-iisa, na kayo ay pilit na inilalayo sa isa’t isa ay nariyan sila. Damhin lamang ninyo, tanggalin ninyo ang tabing, buksan ninyo ang pintuan ng inyong pagkatao at tanggapin sila sa inyong puso. Makipagtalastasan kayo sa kanila sa pamamagitan ng panalangin at taos pusong pagmamahal na mayroon ng malinis na hangarin patungo sa ikapapanuto ng sanlibutang ito.
Ang pag-aaral ng espiritismo ay nangangailangan ng pagbabago. Ang mga nakagisnan ninyong pag-aaral, pilosopiya, relihiyon, dogma ay panahon na upang kuwestiyunin… “ito ba’y magpapalaya sa inyo sa kalungkutan? Ito ba’y magpapalaya sa inyo sa maling gawain? Ito ba’y magpapalaya sa inyo sa hirap na dinaranas ng tao anoman ang kanyang lagay sa buhay?”
Mga kapatid ko, hinatulan ng sangkatauhan si Hudas subalit kinukulang, tanungin ninyo ang inyong mga sarili. Unawain ninyo, tumutupad din ba ako sa tungkuling ito? Hindi ba minsan, sa pamamagitan ng maling pagmamahal sa sarili, maling pagmamahal sa anak, maling pagmamahal sa trabaho, maling pagmamahal sa buhay materyal ay pinagkakanulo ninyo ang tunay na mahalaga ng para sa inyo.
Kaya’t darating ang maraming pandemya, dumarating ang maraming pagsubok upang kalabitin kayo sa paggawa. Upang buhayin ang inyong kamalayan, upang palawakin ang inyong pang-unawa at sa pamamagitan nito, mapapalaya at mapapagaan ninyo ang inyong buhay. Ang simulain ng espiritismo’y simulain ng pagbabago at pagsulong upang buhayin kayo, upang maunwaan ninyo na walang namamatay, kundi ang pang-unawa ng tao na may kahinaan ang pumapatay sa kanya. At kapag ang tao’y patay, sinabi na pinupuntahan ng uwak. Kaya’t sariwain ninyo ang inyong sarili, buhayin ninyo ito sa pamamagitan ng paggawa at dito ninyo matutuklasan ang tunay na kalayaan, ang tunay na kaligtasan na minimithi ng bawat espiritung nakikipagsapalaran sa daigdigang ito ng luha at hinagpis.
Ito lamang ang bahagi ko sa inyong pag-aaral, sa pag-aaral ng espiritismong ito na kumikilala sa pagkasulong, sapagkat ito ang batas ng Diyos… si Hudas ay nasulong na sa pamamagitan ng muli at muling pakikipamuhay. Hindi siya nanatili sa abang kalagayan. Ganun din kayo, na sa pamamagitan ng inyong kahinaan, nagkamali, nagtalusira, nagtaksil, masusulong din kayo at naririto ang Kabatlayaan, ang inyong mga mahal sa buhay na nauna na sa inyo, aalalay. Ito ang kagandahan ng espiritismo, sapagkat sa espiritismo, walang namamatay, walang pinagpipiyestahan ng uwak, walang pinagpipiyestahan ng uod at kalawang. Lahat ng tao ay masusulong at kayo ay buhay, hindi lamang sa daigdigang ito kundi sa kabilang daigdig, doon din ay hahanapin ninyo ang pagkasulong, pagbabago at pag-aaral.
Muli ang kapayapaan, pag-iibigan, kababaan ng loob ang manatili sa inyo at nawa’y maunawaan ninyo ang inyong lakas, ang inyong subaybay, ang kagandahan ng inyong pananalangin, ito ang lulutas sa maraming kahinaang darating sa inyong buhay.
Paalam, ang inyong kapatid … Florencio dela Cruz.