Medium : Kap. na Gigi
April 2, 2021 “Siete Palabras”
Sumainyo ang kapayapaan, at tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng Kaitaasan. Maghari ang kapayapaan, ngayon at hanggang sa wakas.
Puspos ng kagalakan ang Kaitaasan, sapagkat sa kabila ng patuloy na pagdanas ng maraming mga pagsubok ay naririto ang bawat isang mag-aaral sa loob ng Lunduyan at ang mga mag-aaral sa kani-kanilang tahanan upang gunitain, sariwain ang banal na kasaysayan ng buhay ng dakilang Kristo, ng ating Mananakop. Mga iniibig na kapatid, sa labis na pag-ibig ng Ama’y pinagkaloob Niya ang Kanyang bugtong na anak upang tubusin ang tao sa mga pagkakasala. At katulad ng tao’y dumanas ang dakilang Mananakop ng maraming mga kahirapan, sakit ng kalooban, sakit ng katawang laman upang ipaunawa kung papaano magkakaroon ng kaligtasan ang bawat isang kalagayan, upang ang bawat isa ay makapiling ng Ama.
Mga iniibig na kapatid, ang bawat sugat ng Panginoong Hesukristo ay mayroong pahayag. Ang sugat sa Kanyang ulo, nang dahil sa pagputong koronang tinik ay naghahayag ng pang-unawa. Pang-unawa ng Diyos sa tao, pang-unawa ng tao sa kanyang kapwa. Kinakailangang maunwaan ng tao ang kanyang kapwa. Uunawain ng tao ang kanyang kapwa. Uunawain ng tao ang kaabahan at kahirapan ng kanyang kapwa. Uunawain ng tao ang pagkakamali ng kanyang kapwa.
Ang sugat sa kamay ng Panginoong Hesukristo’y naghahayag ng pagdamay. Kinakailangan na ang tao’y dadamayan niya ang kanyang kapwa. Kailangang damayan ng tao ang kanyang kapwa sa mga panahon ng kahirapan ng buhay, sa mga panahon ng kalungkutan, sa mga panahon ng pagkatakot dadamayan ng tao ang kanyang kapwa. At ganiyan din ang Ama, patuloy Niyang dinadamayan ang mga “anak ng Diyos.” Walang hanggan ang ipinapagkaloob ng Diyos na pagdamay sa kanyang mga anak.
Ang sugat sa dibdib ng dakilang Mananakop ay naghahayag ng pag-ibig. Kung papano pinadadama at pinahahayag ng Diyos ang walang hanggan Niyang pagmamahal at pag-ibig sa tao, ganoon din ang tao sa kanyang kapwa. Iibigin ng tao ang kanyang kapwa, maging ang kanyang mga kaaway. Higit niyang pakaiibigin ang kanyang mga kaaway at ito’y gagawang niya ng mabuti.
Ang sugat sa paa ng dakilang Mananakop ay naghahayag na laging ang Diyos ay nakasubaybay. Ganoon din ang tao sa kanyang kapwa, kanyang susubaybayan ang kanyang kapwa, upang ang kapwa ninyo’y huwag malihis ng landas at makita ang daan ng katuwiran patungo sa piling ng Ama.
Mga iniibig na kapatid, ang lahat ng sugat ng Mananakop ay mayroong pahayag. Ito ang mga bagay na dapat ninyong tandaan. Hindi lamang gugunitain ng tao ang sakripisyo at paghihirap sa panahon ng kuwaresma o ang tinatawag na Mahal na Araw, kundi, gugunitain din ng tao ang dinanas ng Mananakop. Gugunitain ng tao kung paano tinubos ng dakilang Kristo ang tao sa kanyang pagkakasala sa araw-araw na buhay ng lahat at bawat isang kalagayan, gugunitain ninyo kung papaano nasugatan sa bawat sangkapin ng Kanyang katawang laman bilang tao, gugunitain ninyo kung papaano nasugatan ang dakilang Kristo upang ang lahat ay magkaroon ng kaligtasan.
Kaligatasan mga iniibig na kapatid, sapagkat sa bawat pahayag, ang sugat ni Kristo sa ulo’y pang-unawa, sa kamay ay pagdamay, sa dibdib ay pag-ibig, at sa paa ay pagsubaybay sapagkat ang mga sugat na ito na mayroon ng kahayagan ay nangangahulugan ng paggawa. Nangangahulugan ng paggawa ng kabutihan at kabanalan ng bawat isang kalagayan sapagkat matatamo lamang ng tao ang kaligtasan ang buhay na walang hanggan, mararating lamang ng tao ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Kayat mga iniibig na kapatid, lagi ninyong gugunitain ang bawat sugat na tinamo ng Mananakop sa araw-araw ninyong buhay, lagi ninyong uunawain ang mga nagaganap sa inyong mga buhay lalo na sa panahong ito na patuloy pa rin ang pagsubok, kahirapan ng bawat isang kalagayan, sa panahong ito ng pandemya.
Kinakailangan na ang tao ay magdamayan, kinakailangan na ang maghari ay pag-ibig kahit pa ang tao ay naroroon sa isang kalagayan na kulang at kapos. Ang tao ay naroroon sa isang kalagayang nakadarama ng kalungkutan, nakadarama ng pagkatakot, nakadarama ng panghihina, subalit hindi ito kadahilanan at hindi ito magiging hadlang upang ang tao ay magpatuloy sa pag-ibig, magpatuloy sa pagdamay, magpatuloy sa pagsubaybay, magpatuloy na umunawa ng kanyang kapwa. Sapagkat sa bawat sugat ng dakilang Kristo ay naroon ang kaligtasan. Naroon sa Kanyang mga sugat kung paano niya tinubos at tutubusin ang tao sa kanyang mga pagkakasala. Sapagkat sa mga sugat na ito… ang mga sugat na ito’y naghahayag ng mga kabutihan at kabanalan nararapat na isagawa ng mga anak ng Diyos.
Muli ay maghari ang kapayapaan, lagi ninyong gugunitain kung papaano nagsakripisyo at naghirap ang dakilang Hesukristo. Gugunitain ninyo ang lahat ng sugat na tinamo sa bahagi ng Kanyang katawan bilang isang tao at doon ninyo maalala kung papaano nagmahal, kung papaano umunawa, kung papaano dinamayan ang lahat at bawat isa sa mga panahon na ito. Lakasan ninyo ang inyong pananampalataya sa bawat sugat ni Kristo na inyong isasagawa, pang-unawa, pagdamay, pagsubaybay, pag-ibig ay doon ninyo maisasakatuparan ang mga banal na gawain sapagkat sa bawat paggawa ay naroon lamang ang kaligtasan ng bawat isa.
Kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas. Maghari ang walang hanggang pag-ibig. Maghari ang walang hanggang pang-unawa, pagdamay, pagsubaybay… ako sa inyo ay nagpapaalam, ang inyong patnubay… Mateo. Paalam.