Medium: Kap. na Ernest (mula sa La Humildad)
April 2, 2021 / Siete Palabras
Maghari sa lahat at bawat isa ang ganap na kapayapaan, pag-iibigan, pagkakapatirang walang hanggan ngayon at magpakailan man.
Ang wika ng ilan, natatangi at tila baga espesyal ang pag-aaral ng simulain ng espiritismo. Papaano’y higit na binibigyan ng pansin at matiyagang pagsusuri kalakip ng pag-aaral ang bawat bahagi at mga bagay sa tinatawag na buhay panlaman. Papaano’y itinakda at sadyang ibinaba na ang bawat pag-aaral ay ituturo at ibabahagi ng maraming espiritung mang-aaliw at gayun nga ang natupad. At upang maging kaaya-aya ang pagsisikap ng mga bagay na ito ay kinakailangan na ang tao sa kanyang sarili ay sumamba sa kanyang Diyos sa pagka-espiritu at katotohanan at ito ngayon ang kinakailangang ganapin at tanggapin ng tao habang siya ay nakikitalad sa ibabaw ng lupa. Kapag ang winika na pagsamba ay nagagawi na tinatawag sa pagka-espiritu at katotohanan, nangangahuluhan na kukunin ang pinakadiwa ng mga bagay na siyang nagiging sagwil sa kanyang pagsulong at pagkaunlad habang siya ay nakikipagpatuloy at nakikiraan sa daigdigang ito ng lupa. At habang kinukuha at pinipilit niyang maarok ang katas na dapat niyang mapag-aralan ay kinakailangan niyang suriin at magpakasakit upang maging kaparaanan ng tunay na pagkilala sa aralin na sa kanya ay ibinibigay.
Ang mga pagkakataong tulad nito, na kung pagkaminsa’y humihilam sa pananampalataya at pumipiring sa mga mata upang makita ang katotohanan ng karapatdapat na pagsasabuhay sa isang kasaysayang inilakda ng isang dakilang tao sa daigdigang ito ng mga hugis, na siyang nagiging kaparaanan upang maliko ang landas ng maraming mananampalataya, papaano ay naroroon pa rin sila sa gawi ng pagkilala at pagkilatis sa bahagi ng materya kung saan ang pagkakasakit ay humahandulong sa tinatawag na pagpapahirap sa gawi ng laman. Ngunit ang katotohanan ng pagkilala, sa pagsisikap niyang maarok ang bawat aralin, bahagi ng pagsisikap at aral ng sa kanya ay ibinaba ay naroroon sa gawi ng tinatawag na diwa ng tunay nitong pagkaespiritu. Katulad na lamang ng pagwiwika ng marami sa inyo na ang krus na siyang simbolismo ng Kanyang pinagka-bayubayan ay nangangahulugan ng pag-ibig at pagpapakasakit. Pag-ibig sapagkat sinasabi ng marami sa inyo na ito ay gawa ng Kanyang pagpapakasakit, pagpapakabayubay sapagkat siya ang tumubos sa sala ng sangkatauhan. Ngunit sa pag-aaral ng simulain ng espiritismo’y walang maliligtas kung hindi ang kanyang sarili lamang dala ng kanyang mga gawa at ng kanyang walang hanggang pag-ibig.
Kung gayon mga ginigiliw na kapatid, ano ang misteryo ng krus at ano ang bahaging ginagampanan nito sa isang mananampalatayang Kristiyano na naghahangad na umangat ang kanyang kababaang ito at maunlad sa kanyang sarili? Hindi baga ang krus ay nagmula sa isang punong kahoy na sa kahabaan ng kanyang sarili ang mahabang bahagi ay naitusok sa kapatagan ng lupa na sumisimbulo sa kababaan ng tao sa kanyang sarili habang siya ay nagpapatuloy na ibulusok at harapin, pangarapin ang kapayapaan at ang kaligtasan ng kanyang pagkatao? Na matapos na maiturok ang kahabaang ito sa kapatagan ng lupa ay itinuturo naman nito ang Kaitaasan o mga langit. Nangangahulugan sa kanyang sarili, na walang mananatili sa kababaan ng kanyang pagkatao at banay-banay, ang lahat at bawat isa ay masusulong at mauunlad sang-ayon sa lebel ng kanyang pagsisikap na gumawa at lumikha.
Ano ngayon ang dalawang bahagi na kaputol na paripa ng krus na ito, na siyang tumuturo sa tinatawag na panahon at alangaan? Na ang panahon at alangaang ito tumutukoy sa bahagi ng materya, na ang lahat ng tao sa kanyang pagbulusok sa ibabaw ng lupa ay kinakailangang gumawa, kumilos, bakahin ang maraming kamangmangan at kahinaan ng kanyang pagkatao sa pamamagitan ng kanyang patuloy na pagbulusok sa ibabaw ng lupa at pagbayaran ang kanyang pagkakautang hanggang sa kahuli-hulihang beles ng kanyang mga bahaging ito. Ngunit habang gumigising at ginigising ng kanyang sarili ang tunay na diwa ng kanyang pagkatao ay hindi na siya maghahangad na hantayin, sikapin na balikan ang karma ng kanyang pagkatao sapagkat mayroon na siya ng katalinuhan, at ang katalinuhang ito ang magtutulak sa kanya upang siya ay gumawa, kumilos at gumalaw sang-ayon sa mga batas na sa kanya ay ibinahagi.
Nangangahulugan lamang mga ginigiliw na kapatid na sa bahagi ng panahon at alangaang kinakatawan ng materya, kinakailangan ang tao ang kumilos at gumawa sang-ayon sa hinahangad niyang pagkaunlad, sa hinahangad niyang pagsisikap na maarok ang kaluwalhatian ng kanyang “ako” at ang kapayapaan na kanyang hinahangad buhat pa nang siya ay maibulusok sa kapatagan ng lupa.
Kung gayon mga ginigiliw na kapatid, nangangahulugan nga ba na ang krus sa bundok ng Golgotha ay nangangahulugan ng pagpapakasakit? Nang pagpaparaya? Nang kahimbingan ng kanyang sarili upang sa kanyang pagkatao ay mamuhay ang tunay na pag-ibig at sa pag-ibig na iya’y naroroon ang pagpupusag ng tao na magkawanggawa sa kanyang kapwa nilikha, sapagkat kinakailangan niyang tumurol, gisingin ang kanyang sarili, sapagkat ang pananagutan ng kanyang “ako” ay magbibigay ng pagkakataon sa kanya upang siya ay matuto at maunlad.
Katotohan na ang isang nilikha ay kinakailangang managumpay sa tatlong katotohanan ng buhay. Ang unang misteryo’y nauukol sa tinatawag na kagandahan, hindi lamang sa gawi ng pisikal na kaanyuan, kung hindi sa kagandahan na pinipintuho ng kanyang kaluluwa. Na ang kagandahang ito’y namamalas lamang ng kanyang mga paningin at matapos ng lahat ng mga ito’y mawawalan ng tinatawag na pagkilala. Papaano’y naroroon lamang sa bahagi ng materya na nasisira, naiiwan lamang sa pusod ng lupa, at matapos ang lahat ng ito’y kakamtin ang kawalang pag-asa ng kanyang sarili. Kinakailangang mabitawan ng tao ang lubos na pagmamahal sa materya ng buhay, sapagkat habang kayo na nananatili at nagsisikap na arukin ang mga bahaging ito ay lalo kayong nalulubog sa kumunoy ng kamangmangan. Ang panibagong pagsisikap ng tao matapos siyang makilala, makilatis ang bahagi ng krus ng pagpapakasakit ay ang kinakailangang gamutin ang karamdaman ng kanyang espiritu at ito ang kahinaan ng kanyang “ako”. At sa patuloy na pagsisikap niya na gamutin ang kaluluwang ito ay naroroon ang kanyang pagnanasa na mag-misyon sa iba’t ibang ibayo ng sangkalupaan at ihayag ang tunay na lunas na ibinabahagi ng pag-aaral ng simulain ng espiritismo at ito mga iniibig na kapatid ay hindi lamang kinakailangang maganap sa pagbuka lamang ng inyong mga labi kung hindi ang pagsisikap ninyong maikampay ang inyong mga bisig at maiangat ang inyong mga panyapak lalo’t higit sa mga kapatid na kulang palad at nangangailangan ng inyong mga pagkalinga, hindi lamang sa gawi ng materyal kundi lalo’t higit sa gawi ng pang-espirituwal.
Ito ngayon ang bahagi ng pangalawang kahiwagaan ng krus, “ang pagiging kagamutan ng kanyang sarili”. At matapos makilala ng tao ang maraming mga kalunusan sa kanyang mga karamdaman ay naroon ang pagpipilit, pagsisikap na matanggap ang kapayapaan ng kanyang pagkatao at ang kapayapaang ito’y mananagana lamang sa patuloy niyang pagsisikap na makaugnay hindi lamang sa bahagi ng langit na inyong pinapangarap, hindi lamang sa bahagi ng paraiso ng buhay na inyong tinatanggap kundi ang pakikibahagi at pagtanggap sa maraming pagsubok o tinatawag ninyong pag-aalaala ng buhay sapagkat ang katotohanan ng inyong pagsisikap na masulong at maunlad sa pamamagitan ng inyong pagbulusok, pagsasalaman ay ang makilala na sa bahagi ng inyong kaliitan, kayo mga minamahal na mga kapatid ay mayroon ng kakayahan. Kayo na mga mumunting diyos sa inyong mga sarili, nakapagbubuhay ng mga patay na damdaming kinakailangang umibig, nakagagamot sa maraming kahinaan ng laman ng inyong kapwa at nagbibigay ng pagkakataong paalisin ang maraming mga espiritu at hibo ng laman na hindi karapatdapat na manatili sa bawat isang kaluluwang ngayon ay nagpapatuloy sa daigdigang ito ng mga hugis.
Kaya mga iniibig na kapatid, kayo ay mga natatanging bahagi ng paturuang ito ng espiritismo. Kayo ang mga kaluluwang nakadaratal at nakakilala ng katotohanan ng pag-aaral ng buhay. Kayo ang mga kaluluwang hindi lamang pinili sa ilang, kundi kayo ang mga kaluluwang nagnasa sa inyong mga sarili na hanapin ang tunay na katotohanan ng buhay habang kayo ay naroroon sa himpapawid. Huwag ninyong sayangin ang mga sandali na sa inyo ay ibinibigay. Huwag ninyong hantayin ang panahon kung kailan dumarating at dumaratal lamang ang mga panahon at pagkakataong tulad nito. Iangat ninyo ang inyong mga palad. Itindig ninyo ang inyong mga paninindigan na kayo bilang mga alagad ng simulaing ito ng espiritismo ay mayroon ng lakas ng loob,katatagan ng damdamin at may kapayapaan at liwanag ng diwa na siyang magbibigay ng kahayagan at liwanag sa nadirimlang kapaligiran na sa inyo ay naghahari.
Ito ang iiwan ko sa inyo sa mapalad na hapong ito. Kasabay ng inyong pag-alaala, paggunita sa dakilang anak ng tao na siyang naging simbolismo upang kayo ay maging kaisa, upang kayo ay makapagkalag ng tanikala ng kalupuan at isa-isa ninyong malasin at gampanan ang katotohanan ng inyong pagiging tunay na anak ng Diyos dito sa ibabaw ng lupa.
Kapayapaan at walang hanggang kapayapaan ang iiwan ko sa inyo sa mapalad na pagkakataong ito. Paalam, Juan evanglista.