Medium: Kap. na Robit
April 10, 2021 / 2:07 PM
Tanggapin ninyo ang pagpapala, manatili ang liwanag, damahin ninyo ang kapayapaan dala ng mga araling sa inyo ay pinagkakaloob, ngayon at sa lahat ng sandali.
Natapos na ang panahon ng pag-alaala sa sinasabing Semana Santa, subalit pagkatapos nito ay muling hudyat ang pagkakataon sa panibagong pagpapamalas at pagpapadama ng mga araling na sa inyo ay itinuro, na sa inyo ay muli at muling pinaaalala upang ang bawat isang mag-aaral ay magkaroon ng tibay ng loob, magkaroon ng kasiglahan, magkaroon ng paninindigan, ng tibay ng loob upang ipamuhay ang mga araling sa kanya’y itinuro.
Mga minamahal na mag-aaral, hindi kaila sa bawat isa ang maraming pag-aalinlangan na nararanasan ng kasalukuyang panahon. Marami ang nagsasabi, dumadaing sa mga kahirapan ng buhay sa kasalukuyang panahon, subalit kung nalalalaman lamang at natututunan ng bawat isa, nagkakaroon ng kaunawaan ng lahat ng ito’y marahil ay pintuan tungo sa pagkasulong ng bawat isang kalagayan. Subalit sa kadahilanang kulang pa ng pagsisikap na matamo ang tunay na karunungan, ang lihim na karunungan ay marami ang nabibigo sa inaasam na pagsulong, sa inaasam na kapanatagan ng kalooban ng bawat isa. Marami ang nagdarasal, marami ang sumasamba, subalit marami rin ang nagtatanong, nag-aalinlangan, sapagkat ang kanyang hinihiling ay hindi nakakamtan sa kadahilanang kulang pa ng pagkaunawa sa kung ano ang kadahilanan, sa kung ano ang kaparaanan ng kasagutan sa mga tiising nararamdaman.
Kung kaya’t lagi na’y sinasabi ng Kabatlayaan na hanapin ninyo ang karunungan sapagka’t ito’y magdadala sa inyo sa kaliwanagan. Ang karunungang ito ang magdadala sa inyo upang inyong maunawaan kung bakit nagaganap ang mga karanasang ito sa inyong buhay at ang karanasang din ito’y ano baga ang leksyon o aralin ang ibinibigay sa bawat isa. At kung nauunawaan ay buong kababaang loob na tatamuhin, at hahanap ng kaparaanan kung papaano bibigyan ng kasagutan o solusyon ang mga karanasan na mayroon siya.
Kung kaya’t katotohanan na ang kalagayan ng bawat isa’y mga pag-aaral na nangangailangan ng pagtuturo. Ang kalagayan ng bawat isa’y mga hamon sa buhay na kung saan binibigyan ang bawat isa ng pagkakataon na muli at muling hanapin ang tunay at lihim na karunungan. Ang mga karanasan ng bawat isa ay kaparaanan upang matutong magtiiis, upang matutong umunawa… magpasensya. Ang karanasang ito ay guro na magtuturo ng daan patungo sa kaligtasan. Kinakailangan lamang na ang bawat isa’y magkaroon ng kaunawaan upang matutong magpakumbaba, upang matutong tanggapin ang mga kahinaan, mga kamalian na mayroon siya.
Kung kaya’t ang mga karanasan na ibinahagi at naging halimbawa sa buhay ng Panginoong Hesukristo ay isang mahalagang karunungan na dapat sana’y maunawaan ng bawat isang mananampalataya sapagka’t ang karanasang ito ang maghahatid at magsasabi sa bawat isa na ang pagkasulong ng bawat isang kalagayan ay maraming sangkap. Maraming karunungan ang dapat maunawaan ng bawat isang kalagayan sapagkat ito ang tunay na daan ng kaligtasan ng bawat isang kalagayan.
Kung kaya’t aking mga minamahal na mag-aaral, sa inyong kalagayan sa kasalukuyan ay higit ninyong unawain kung ano nga ba ang itinuturo, kung ano nga ba ang sinasabi, ang nais ng Diyos na iyong matutunan, higit na’y ang iyong maisasagawa. Hindi natatapos ang mga aralin sapagkat ito’y kailanganin ng bawat isang kalagayan. Kung kaya’t nawa’y maging bukas ang bawat isa sa maraming mga aralin na siyang maghahatid at patuloy na magtuturo upang ang bawat isa ay patatagin, upang ang bawat isa ay turuan na magkaroon ng paninindigan, ng kasiglahan sa kabila ng maraming kahirapan na dinaranas sa kasalukuyan.
Ito lamang ang munting ambag na sa inyo’y aking ipagkakaloob at nawa’y dagdagan pa ninyo ang oras ng inyong pakikipag-ugnayan sa Kaitaasan, gayun din ang paggawa ng maraming kabutihan sa inyong mga kapwa.
Muli, tanggapin ninyo ang pagpapala. Nawa’y manatili na iugnay ninyo ang mga sarili sa Diyos, higit na’y gayundin sa inyong mga kapwa.
Paalam, ang inyong patnubay … Mateo.