Ang Pagsubok Ay Biyaya Ng Diyos

Medium: Kap. na Gigi
April 10, 2021 / 3:09 PM

Tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng Kaitaasan at nawa’y maghari sa bawat isang kalagayan ang kapanatagan ng pag-iisip, kapanatagan ng kalooban, pananalig at nawa’y kapayapaan ang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas.

Naipagdiwang ang isang banal na araw sa kapayakan subalit punong-puno ng katagumpayan kung kaya’t labis na kinagalak ng Kaitaasan. Patuloy sa paglipas ang panahon, mabilis na dumarating ang mga araw subalit tila nakaiinip sa bawat isang kalagayan ang araw-araw na lumilipas sa buhay ng bawat isa, sapagkat naroroon pa rin ang isang napakalaking pagsubok na dinaranas ng bawat isang anak ng Diyos. Pagsubok na ang dulot ay pagkatakot. Pagsubok na ang dulot ay kalungkutan. Pagsubok na ang dulot ay walang kasiguruhan kung saan nga ba hahantong ang buhay ng bawat isang nakikitalad sa mundong ito ng mga hugis. Walang kasiguruhan, ano nga ba ang magiging bukas? Ano nga ba ang kahihinatnan ng isang nakikitalad sa daigdigang ito ng mga hugis? Nawika ng karamihan, bakit tila walang katapusan? Bakit tila paulit-ulit lamang ang nagaganap? Bakit naroroon pa rin ang tila walang hanggang pagsubok na dinaranas ng bawat mga anak ng Diyos?

Saan hahanapin ng tao ang kapanatagan ng kanyang kalooban? Saan hahanapin ng tao kung saan siya makadarama ng kapanatagan? Saan niya matatagpuan ang isang damdamin na walang pagkatakot? Isang damdamin na puspos ng kaligayahan, kapayapaan? Saan hahanapin ng tao ang mga damdaming ito kung patuloy pa rin ang mga pagsubok?

Subalit sa isang mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng espiritismo, ang pagsubok ay mga biyaya at batid ng lahat at bawat isa na walang pagsubok na hindi natatapos. Ngunit ang tanong, hanggang kailan ang pagsubok na dinaranas ng lahat at bawat isa? Hanggang kailan makadarama ng pagkatakot? Hanggang kailan makadarama ng kalungkutan? Hanggang kailan makadarama ng kawalang pag-asa at lagi ang pagtatanong, ano ang magaganap sa kinabukasan?

Mga iniibig na kapatid, walang pagsubok na hindi natatapos at lagi ninyong aalahanin sa bawat pagsubok na pinagkakaloob ng Diyos ay Siya’y nananahan sa lahat at bawat isa. Balikan ninyo ang inyong nakaraang normal na buhay, maraming mga kapatid, mga anak ng Diyos na nagkaroon ng suliranin subalit nabibigyan ng solusyon, naihahanap ng mga solusyon upang ito’y mapagtagumpayan ng tao. Bakit ngayon ay marami ang pinanghihinaan ng kalooban? Kung hanggang saan ang pagsubok, kung kailan ito matatapos, mga iniibig na kapatid … walang pagsubok na hindi nagkaroon ng katapusan.

Sa mga naroon pa sa gitna ng kamangmangan, papaano na ito’y matatawag na isang biyaya gayong ang dami ng mga tao na naghihirap sa buong mundo? Bakit patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga karamdaman ng tao hanggang sa sapatin nila ang hangganan ng kanilang mga buhay? Mga iniibig na kapatid, lagi ninyong alalahanin na walang nagaganap na hindi karapatdapat. Kung mayroon mang mga kapatid na dumaranas na dulot ng malaking pagsubok na ito, ng isang pandemya, ito ay karapatdapat sa kanya kahit pa ang dulot nito’y kamatayan sa anak ng Diyos. 

Mga iniibig na kapatid, kung paano pinaghahandaan ng tao ang kanyang kinabukasan ay dapat na pinaghahandaan din niya ang kanyang kamatayan sapagkat kukuhanin ng Diyos ang buhay sa bawat isang kalagayan sa ibat ibang kaparaanan. Kung mayroon mang mga kapatid na tinawag na ng Ama, ito ay ang hangganan na ng kanilang buhay. Kung mayroon ka ng pananalig at matibay na pananampalataya sa iyong puso, pag-iisip, kalooban at pagkatao, dagsa man ang pagdating ng pagsubok sa iyong buhay ay hindi ka matitinag sapagkat alam mo na kasama mo sa iyong paglalakbay ang Ama.

Manalig kayo mga iniibig na kapatid sa dakilang Ama. Huwag kayong tumigil sa pananalangin, sa pagtawag sa Ama. Huwag ninyong ilalayo, saglit man ng inyong puso at pag-iisip, ang buong pagkatao sa dakilang Lumikha.  Ang mabisang kalasag at panlaban ng tao sa mga pagsubok at hapis ng buhay ay ang pakikipag-ugnayan sa Kaitaasan.

Gaano nga ba kabisa ang pananalangin at pakikipag-usap sa dakilang Manlilikha? Ikaw kapatid, sa bawat sandali ng iyong pananalangin ay ano ba ang iyong nararamdaman? Ikaw kapatid sa mga sandali ng iyong pakikipag-usap sa Diyos, ano ba ang iyong nararamdaman? Hindi ba’t nararamdaman mo ang presensiya ng dakilang Lumikha? Hindi ba’t nagkakaroon ka ng panibagong pag-asa ng kalooban? Hindi ba’t naiisip mo sa iyong sarili, sa iyong pagkatao kung ano ang nararapat mong gawin? Hindi ba’t ikaw ay napupuspos ng pananalig, pananampalataya’t pagtitiwala sa Kaitaasan na kaya mo ang pagsubok na dumarating sa iyong buhay. Kaya mga kapatid, ano man ang pagsubok na ito, gaano man kahirap, gaano man ito katagal, ay naroon pa rin ang inyong buhay sa gitna ng pagkatakot, paghihirap, at kawalan ng kasiguruhan kung hanggang kailan matatapos ang pagsubok na ito.

Nagtatanong ang tao, hanggang kailan ang tao ang pagsubok na ito subalit natanong ninyo ba sa inyong sarili, hanggang kailan kayo gagawa ng pagkakasala? Hanggang kailan nyo lilimutin ang sinumpaang tungkulin sa harap ng Ama? Hanggang kailan ka mananatili sa pagkakaupo, pamamahinga, sa pagtigil sa paggalaw upang isakatuparan ang mga tungkulin, upang isakatuparan ang mga natutunan sa gawi ng kabutihan at kabanalan? Hanggang kailan nga ba mga iniibig na kapatid?

Ang pagsubok ay biyaya at kailan sinusubok ng Diyos ang tao? Sa mga sandaling nakalilimot ang tao sa dakilang Lumikha. Sa mga sandali na ang tao ay naroroon sa pananagumpay, sa kanyang pagsasaya, sa kanyang kalakasan, dahilan upang tuluyan niyang malimutan ang kanyang tungkuling sinumpaan sa harap ng Ama. Sinusubok ang tao kapag nakalilimot. Sa pamamagitan ng pagsubok ay pinaalala sa tao na siya ay nakalilimot kung bakit siya naririto sa mundo ng mga hugis, kung ano ba ang kadahilanan kung bakit siya isinilang. Mga iniibig na kapatid, ang pagsubok na ito ay may hangganan, kinakailangan lamang na ikaw ay manalig sa Kaitaasan. Huwag kang hihinto sa pagtawag, sa pananalangin, sapagkat walang ibang magiging kalasag ang tao kundi ang pananalangin sa dakilang Lumikha.

Huwag kang mag-aalala, ang lahat ay may katapusan. Huwag kang mag-aalala sapagkat bukas o makalawa ay gigising na lamang ang tao na naririto na muli ang isang normal na buhay, nang may malayang pagkilos at paggalaw, nang walang pag-aalala at pagkatakot. Matatapos ang pagsubok mga iniibig na kapatid. Huwag ninyong kainipan.

Sa araw-araw na pinagkaloob ng Diyos ay kailangan mong kumilos at gumalaw. Huwag mong alintanahin, o isipin, huwag kang magtatanong hanggang kailan ang pagsubok na ito. Hindi dapat magtanong ang tao, hindi dapat makadama ng kalungkutan, pagkatakot sapagkat naririyan ang Diyos, kasama mo sa pagsubok at sa buhay mong dinaranas sa mga sandaling ito. Lagi kang makipag-ugnayan sa Diyos at mararamdaman mo ang isang damdamin ng kalakasan ng kalooban. Isang malaking pag-asa, hindi ka na makadarama ng pagkatakot at kalungkutan sapagkat ang mararamdaman mo ay ang pag-ibig ng dakilang Lumikha.

Sumampalataya ka, manalig ka sa dakilang Ama. Kailan man ay hindi kayo pababayaan. Alam ng Ama ang Kanyang ginagawa. Tanging Ama ang nakababatid, manalig kayo, na ang mga nagaganap ay para sa ikabubuti ng lahat. Huwag alalahanin ang bukas. Alisin ang lungkot at pagkatakot na kaalinsabay ng mga pagsubok. Ito’y mga biyaya, bagkus ay magalak kayo sapagkat batid ninyo na isa kayo sa magwawagi dahil tinatanggap ninyo ang pagsubok na ito nang walang pagkatakot, walang pagkalungkot at walang maraming mga katanungan.

Muli ay kapayapaan ang aking iiwan. Walang pagsubok na hindi matatapos. Laging makipag-ugnayan sa Kaitaasan upang madama mo ang presensya ng Diyos, upang mapalitan ng kagalakan, tibay ng kalooban, kasiguraduhan sa buhay na sa iyo ay pinagkaloob ng Diyos. Alisin ang kalungkutan, takot, at agam-agam. Palitan mo ng kagalakan, pag-asa at katatagan ng kalooban sapagkat sa bawat pagsubok kasama mo ang Ama.

Sumainyo at maghari ang ganap na kapayapaan. Manalig ang bawat anak ng Diyos, ang Ama ay hindi ka pababayaan.

Ako sa inyo ay nagpapaalam… Lucas. Paalam.