Magkawanggawa Sa Laman, Asal At Espiritu

Medium: Kap. na Ligaya
April 17, 2021 / 4:07 PM

Tanggapin ninyo ang masaganang pagpapala mula sa mga Langit, manatili nawa kayong matatapat, handang magpakasakit sa pakikinig sa mga araling sa inyo ay pinagkakaloob kasunod ang isang matapat na pagsasagawa upang tuluyang lumaganap ang dakilang simulain ng pag-ibig na hindi lamang sa inyong kapaligiran kundi higit na’y nang sa inyong nakikipag-aral sa ibat-ibang panig ng daigdigang ito, ngayon at magpakailanman.

Mga minamahal na mga kapatid, ano ang buhay na pinagkaloob ng dakilang sa lahat at bawat isa? Ang buhay na nagbuhat mula sa Amang nasa mga Langit ay pinagkaloob sa bawat isang nilalang at ito nga’y mayroon ng kaniya kaniyang takdang panahon upang maisakatuparan, maisabuhay ang mga araling iniwan ng ating Mananakop. At sapagka’t ang bawat “ako” ng isang nilalang sa kapataga’y hindi pantay-pantay o hindi pare-pareho ang antas na kanilang mga kalagayan kung kaya mga minamahal ko, malawak ang kahulugan ng buhay na nadarama ng lahat at bawat isa. Magkagayon pa man kayo na nagtataglay na ng mga kaalaman at karunungan, hindi lamang sa kapatagang lupa, kundi higit na’y nagtataglay kayo ng mga karunungan at kaalamang nauukol sa inyong mga tunay na espiritu ay naniniwala ang Kabatlayaan na sa kalagayan ninyong iyan ay nakahanda ang bawat isa sa inyo, maging kayo’y mga bata sa pag-aaral, maging kayo’y mayroon na ng katandaan, ang lagi lamang panawagan ng Kabatlayaan ay isakatuparan ninyo nang may katalinuhan, nang mayroon ng kababaan, nang mayroon ng katapatan upang huwag maaksaya ang bawat sandaling sa inyo ay dumarating. Kung papaanong ang bawat sandaling lumilipas ay hindi na muling magbabalik, bakit hahayaan ninyong ang maliliit na butil na mustasa ng mga kaalaman ng karunungan at pag-ibig ay hindi ninyo sasamantalahin ang pagkakataon upang ang mga binhing ito’y ipunla, ipunla sa mga matatabang lupa upang kung ito’y magsitubo at sumulpot, kakitaan ninyo ng kalusugan, ng dalawang dahon upang ito’y sumibol, lumapay ang mga sanga, mamunga nang sagana at mayroon ng matatamis na bunga.

Kaya nga mga minamahal ko, pakatandaan ng aking mga minamahal na kapatid ang kasabihang ang buhay ay maikli subalit kung kayo nga sa inyong sarili ay gagawa at gagawa, hindi kayo umaalit o hindi kayo sumasalangsang sa batas ng tao, batas ng kalikasan at lalo’t higit na’y batas ng Diyos ay makaaasa kayo na magiging matagumpay ang inyong pakikipamuhay, magiging malusog ang inyong mga buhay… buhay laman at higit sa lahat ay buhay espirituwal. Dahil dito mga minamahal ko, yayamang kayo ay yumayakap sa puno ng ubas ay pakatandaan ninyo na ang bawat yumayakap sa puno ng ubas, ang bawat sangang nagbubunga ay nililinis upang lalong magbunga, at ang mga sangang hindi nagbubunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy at nangasusunog. Kaya nga mga minamahal ko, samantalahin ninyo ang buhay na sa inyo ay pinagkaloob. Samantalahin hindi upang ang inyong mga kapwa’y maghirap o magkaroon ng pagkakaiba sa inyong mga mag-aaral. Alalaumbaga mga minamahal ko ang ibig kong sabihin, maalam kayo ng mga kaparaanan kung paanong ang isang bata’y akayin ninyo kung ito ay mayroon ng kahinaan. Maalam kayong aliwin ang isang nalulungkot, maalam kayong ituwid ng landas ang mga naliligaw sa wastong kaparaanan na sa inyo ay inilahahad ng Kabatlayaan.

Sa kalagayan nyo sa ngayon, nalalaman kong damang-dama nyo ang kalagayan ng inyong kapaligiran. Huwag kayong maglulubay, manalangin nang taos sa inyong puso. Kung kayo man ay kapos sa mga materyal na bagay, naririyan ang isang pagkakawanggawang hindi kakailanganin ang mga bagay sa daigdigan, hanggang kayo ay napupuspos ng pagmamahal na walang pagtatangi, katotohanang ang matigas na bato’y mapalalambot. Ang mga pinaghaharian ng kadiliman ay kaya ninyong pukulin ng liwanag ang kanilang kaisipan. Ang naglalatang nilang damdamin ay kaya ninyong palamigin sa pamamagitan nga na ang inyong pagiging mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng espiritismo o pag-ibig ay taglay na ng inyong mga pagkatao, subalit maging mababang loob, maging mahinahon, maging masigla at mayroon ng mga ngiti sa mga labi sa sino mang inyong makakahalubilo upang  ang pag-ibig na nasa inyong pagkatao’y maakit sila at mapalitan din ng pagmamahal ang kanilang mga kalooban. Magagawa ninyo ito mga mahal ko hanggat ang inyong mga sarili ay nagnanasa at nagpapakatapat sa inyong mga banal na tungkulin, walang hindi mangyayari sapagkat naririyan ang dakilang Ama na sa inyo ay nakatunghay, naririyan ang dakilang Ama na sa inyo ay nakasubaybay at nakakaalam ng inyong mga pagkatao. Kung kaya nga’t sa lahat ng sandali, madarama ninyo ay hindi kayo pinababayaan kahit saglit man ng Kabatlayaan. Pakatandaan ninyo mga minamahal ko, walang nangyayari ng hindi karapatdapat, at mayroon ito ng mga kabutihang ibubunga sa sinomang nilalang binigyan ng buhay ng dakilang Ama. Lagi ninyong hahanapin ang mga kagandahan, lagi ninyong iuugnay ang inyong mga pagkatao, ang inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban sa dakilang Ama sa inyo’y nagbigay ng buhay.

Ito lamang mga minamahal ko ang abot sabing sa inyo’y aking maipagkakaloob, taglayin ninyo saan man kayo idako ng inyong panyapak sapagka’t iyan ang tanging kayamanang maipagkakaloob ninyo at magbibigay ng kasiyahan sa inyong mga kapaligiran.

Muli ay mabigkis kayo ng ganap na pagkakaisa, ipagpatuloy ninyo ang inyong mga paggawa, paggawa ng mga kawan ng mga gawa na siyang magiging baunan ninyo habang kayo’y naglalakbay sa dako paroon ng inyong mga buhay.

Paalam, ang inyong protektor … Antonio de Padua.