Mga Aral Na Magpapalakas Sa Isip, Damdamin At Kalooban

Medium: Kap. na Gina
April 17, 2021 / 4:46 PM

Sumainyo ang kapayapaan at kaliwanagan na nagmumula sa Kaitaasan. Nawa’y maghari ito sa bawat kaisipan, damdamin at kalooban ng isang mag-aaral… makapagbigay lakas sa kanyang pagkatao, ngayon at magpakailan man.

Nang magpunta ang dakilang Hesus sa Galilea, nakita ito ng maraming tao. Siya’y kanilang sinundan sapagka’t alam nilang Siya’y nagpapagaling. Nang makita ito ng dakilang Hesus, sinabi Niyang … “paupuin ninyo sila”. Kung pagmamasdan ang libo-libong tao na nakaupo sa malawak at madamong lugar, hindi ba’t kaaya-aya itong tingnan? Simbulo ng isang mapayapa at may tiwala sa kanilang pastol. Nagkakaroon ng pagtutulungan, pagbabahagian, at pagkakakilanlan sapagkat binigay ng dakilang Hesus ang pagkain ng buhay na siyang magbibigay kalakasan sa libu-libong mga tao.

Pagkain na ibinibigay sa isang taong nabubuhay upang sila ay magkaroon ng kalakasan sa kanilang mga pag-iisip, damdamin at kalooban. Sa kanilang mga pagkatao upang sila ay makaganap sa kanilang mga sinumpaang tungkulin bago pa man sila isilang sa daigdigang ito, na inaksaya ng marami sapagkat kulang sa katuruan, kulang sa pag-aaral, kulang sa pananalig, mga kahinaan na nagbigay sa kanila ng dahilan para makalimot at makita ang makamundong pamumuhay. Subalit sadyang mapapalad ang mga tao sapagkat sa pagmamahal ng dakilang Diyos, ibinibigay Niya ang biyaya nang hindi nila nalalaman, mga biyayang pumupukaw sa kanilang mga kaisipan, biyayang bumabagabag sa kanilang mga damdamin, biyayang gugupo sa kalakasan. 

Kung tatanungin ang isang mag-aaral kung bakit ibinabahagi ito sa inyo ng Katuruan, ibinabahagi ito sa inyo ng inyong pamumuhay, ng inyong kaisipan, kung bakit kinakailangan na ang tao ay gumawa, kung bakit kinakailangan ang tao ay mag-isip ng mga bagay na makabubuti o makasasama sa kanila. Mga bagay na ginawa ng tao upang sila ay mapahamak, upang sila ay mapabuti, kung kaya’t ito ang kababalaghan ng dakilang pag-ibig, ng dakilang biyaya ng ating Panginoon, sapagkat kung marami ang sumusunod sa dakilang aral ng ating Panginoon… walang mapapahamak, walang magkakaroon ng karamdaman, walang mananakit at walang masasaktan. Datapuwat sa kadahilanan ng tao’y mayroon pa ng kinakailangang tuparin kaya’t ito’y muli at muling isinisilang. Ibinibigay ang biyayang ito upang makumpleto ang Kanyang ipinangako. Tulad ng binibigay sa atin ng pagkakataon ng Kabatlayaan, mga pagkakataon ng pag-aaral ng espiritismo na nagkukumpol-kumpol, nakahilera, nakaupo, ang bawat espiritung nagnanais na mapaunlad ang kanilang pamumuhay sa bahagi ng kanilang pagkatao, ng kanilang espiritu, upang sa darating na panahon ang biyaya ng kalakasan, ang biyaya ng pagtanggap, ang biyaya ng katalinuhan at karunungang matutuklasan sa pag-aaral ng simulaing ito ng espiritismo ay maging pagkain at inumin ng kanilang espiritu upang sa kanilang takdang araw ng pagganap ng kanilang tungkulin para maging tao, para maging isang nilalang na tutupad ng kanyang tungkulin ay mayroon sila ng baunan na magiging pagkain ng kanilang espiritu. Na sa pamamagitan ng pagpili ng mga taong kanilang makakasama sa buhay ay pipilitin ng taong ito ang pag-unlad, ang kaniyang paghahanap, ang kanyang pagtuklas sa pagiging nilalang upang maunawaan at maintindihan ang lihim ng buhay ng isang nilalang.

Paulit-ulit na sinasabi sa inyo ng Kabatlayaan na mapapalad ang sa inyo’y nakatuklas ng pag-aaral na ito. Tunay na mapalad ang bawat isa pero sa kaibuturan ng inyong pagkatao, ng isang kaluluwang kulang pa rin sa pag-aaral, dama ng kanyang espiritu ang pagkabagabag, ang kakulangan ng kanyang mga gawa, na ang kanyang mga sinumpaang tungkulin ay hindi pa rin mapupuno ng kanyang pagkabuhay sapagka’t naroon pa rin ang mga kahinaan. Sa dakilang biyayang binibigay ng Kaitaasan upang ang tao ay magkaisa, upang ang tao ay magtulungan, upang ang tao ay kumilos at ipakita ang pag-ibig sa kanyang kapwa, isinisilang ang ibat ibang biyaya na gigising sa natutulog nilang pagkatao, sa natutulog nilang espiritu. Kung bakit nangyayari sa kasaysayan ng daigdig ang biyaya ng pandemya, naipapakita rito kung gaano kahalaga ang oras, kung gaano kahalaga ang pagkilos, ang paggawa na kinakailangang isaalang-alang ang tunay na hangarin ng bawat espiritu na namumuhay sa daigdigang ito ng hugis at anyo.

Kaya mga minamahal ko, ipagpatuloy ninyo ang pagsasaliksik ng paggawa ng mga kabutihan na magbibigay sa inyo ng karagdagang ipon na inyong baunan sa inyong pag-alis sa daigdigang ito na ang layunin ng inyong mga espiritu ay makatupad ng kanilang mga tungkulin. Mahaba ang pagkakataon subalit maikli ang binibigay sa bawat isang espiritu na nagkaroon na ng takda sa kanyang buhay. Kaya karamihan ay nagmamadali, hindi nila alintana ang panahon ng kanilang paghihirap, ang panahon ng biyayang ginugugol para sa kanilang kapwa at ang aral ng katuruan ng espiritismo’y daglian ninyong ialay sa inyong mga kapwa upang ang panahon na itinakda ng dakilang Diyos ay magkaroon ng importansya sa buhay ng bawat isa.

Ito lamang ang maikling aral na maihahandog ko sa pagkakataong ito. Muli ay bibigay ko sa inyo ang kapayapaan, kalakasan ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban upang kayo ay makagawa at makatupad ng inyong mga tungkulin, ngayon at magpakailan man. Paalam… Mateo.