Medium: Kap. na Sweet
April 17, 2021 / 5:42 PM
Tanggapin ninyo ang pagbati mula sa Kaitaasan at damhin ninyo ang kaligayahan ng Kabatlayaan sa gitna ng pagtitipong pang-espirituwal na inyong isinasakatuparan. Nawa’y manatili sa inyong lahat ang lakas ng pananampalataya at tibay ng kalooban sa gitna ng pagtupad ng inyong mga tungkulin. Kapayapaan ang manatili sa inyong lahat ngayon at magpakailan man.
Sa mapalad na sandaling ito ay hayaan ninyong bumanggit ako ng maikling hugot sa banal na aklat upang maging paksang pag-aaralan ng tao, ng mag-aaral, sa gitna ng kanyang pagtupad at pagpupunyaging isakatuparan ang kanyang tungkuling pang-espirituwal, alinsunod na rin sa aralin ng Kabatlayaan.
Sa banal na aklat ay isinalaysay ang tagpo o pangyayari na nauukol sa bulag mula pagkabata, na pinagaling ni Hesus, subalit lubhang naging paksa para sa mga Hudyo na hindi makapaniwala sa ginawang pagpapagaling ni Hesus. Paulit-ulit nilang hinahamon ang kakayanan at kadakilaan ni Hesus. Sinaliksik, tinanong ang bulag, maging ang kanyang magulang na paulit-ulit din namang sumagot ng katotohanan, nagbigay ng karanasan, nagpatotoo sa kapangyarihan ni Hesus. Sa kabila nito, naroon pa rin ang maraming pagdududa, pag-aalinlangan sa himala o kapangyarihang taglay ni Hesus. Muli nilang pinatawag ang bulag na nakakita at tinanong pang muli nang paulit-ulit, “ano ang ginawa sa iyo, paano nakadilat ang iyong mga mata?” Sa huli ay sinagot ng bulag, “Kasasabi ko pa lamang sa inyo kung papaano ako nakakita, subalit hindi ninyo ako dinidinig. Bakit nais ninyong ipaunawa ito sa inyo, nais ba ninyong maging alagad ni Hesus?” At dahil dito, nagalit, inalipusta, sumagot nang hindi maganda ang mga Hudyo, “Ikaw ang Kanyang alagad. Hindi Niya kami magiging alagad sapagka’t kami ay alagad ni Moises. At dahil dito, nalaman mo nga na nakipag-usap ang Diyos kay Moises, subalit ang tao na nagpagaling sa iyo ay hindi namin nalalaman kung saan nanggaling.”
Mga kapatid ko, ano ang halaga nito sa gitna ng inyong pag-aaral. Ang isang mananampalataya na tumitikim ng masarap na pagkain, nag-aalab ang kanyang puso na ipatikim ang pagkain nito sa kanyang kapatid, mahal sa buhay, kapitbahay, kaibigan at kung saan man makararating ang kanyang panyapak. Nagkakaroon siya ng tapang na kung anoman ang tinanggap niya nang walang kabayaran, nais niyang ibahagi sa iba. Na kung siya ay pinagaling ng pag-aaral pang-espirituwal, Kristiyanismo at ng espiritismo nais niya itong ipaabot lalong lalo na sa panahong itong laganap ang sakit. Subalit kadalasan ang tao, ang mag-aaral ay nabibigo, sapagkat kahit paulit-ulit na ang paliwanag, hindi pa rin natatanggap ng marami. Kakaunti pa rin ang nakauunawa sa pag-aaral na binigay ni Hesus. Marami pa ring Hudyo sa paligid, nagmamasid, nagsasaliksik, hindi upang makipag-aral, kundi upang hamunin ang inyong katatagan, ang inyong pang-unawa. Maraming mag-aaral na biniyayaan subalit iilan lamang ang tumatalima.
Dahil dito, lalo pang nagsusumidhi, nag-aalab ang damdamin ng isang mag-aaral na para bang isang sundalo na habang nasusugatan ay lalong tumatapang, subalit sa gitna nito, nawawala siya sa kanyang sariling pagpipigil. Minsan dinadala siya ng kataasan, minsan nadadala siya ng pagkakamali na nabubunsod sa pagtatalo at kawalan ang kanyang mga salita. Ang mamahaling perlas ay natatapon lamang niya sa mga hayop na sumisira rito. Ang kanyang panahon ay nagugugol lamang sa nakapapagod na tagisan ng mga salita at diskusyon. Nauunawaan ng Kabatlayaan ang inyong hangarin subalit lagi na kinakailangan kayong maging maamong tupa, maging matalinong ahas na kinakailangang naroroon pa rin sa inyo ang disiplina, pag-aaral at pagpipigil sa sarili.
Kapag ganito ang sitwasyon, unawain ninyong may mga kapatid na tinatawag na napaparilisa ang kanilang pang-espirituwal na kaangkinan. Na kahit mayroong liwanag ay nagsusumiksik pa rin sa kadiliman. Na kahit nariyan na ang pagkain ay nagugutom pa rin at dahil dito kinakailangang maging malikhain ang tao, ang mag-aaral, kung papaano niya ipaaabot ang kanyang hangarin na sila’y gamutin, sila’y akayin, sila’y bigyan ng kawanggawang pang-espirituwal. Kinakailangan kayong magsuri kung papaano sugpuin ang ganitong karamdamang pang-espirituwal.
Mga kapatid ko, laganap ang maraming miskomunikasyon na nagaganap sa inyong paligid sapagka’t lubhang kapit ang tao sa salita, sa lenguwahe, na iba-iba naman dito sa kapatagan ng lupa. Kaya kinakailangang humanap kayo ng isang lenguwahing matatanggap hindi lamang ng isang lahi kundi ng maraming lahi, ng maraming kultura, ng maraming antas dito sa kapatagan ng lupa. Isang lenguwaheng pang-unibersal na kinakailangang pag-aralan ng tao kung paano niya maihahayag ang kanyang damdamin at hangarin para sa kanyang kapwa. Lenguwahe ng pag-ibig. Lenguwahe ng pagpapatawad na ipinakita ni Hesus.
Sa kalakaran ngayon na mabilis ang pangyayari, ang maikling salita, kaisipan, na maipahahayag ng tao ay magiging lason kung hindi maganda ang konteksto nito kaya ang tao ay humahanap ng maraming kaparaanan upang maipahayag niya ang kanyang saloobin na madaling matalastas hindi lamang ng matatalino kundi pati na ng mga mangmang na hindi isasaalang-alang ang antas panglipunan ng tao. Minsan gumagawa siya ng larawan upang maipahayag ang damdamin, nariyan ang tinatawag ninyong “emoticon”, larawan, upang maipahayag ang damdamin.
At sa pag-aaral ng espiritismo, isipin ninyo, paano kaya ipauunawa sa inyong kapwa ang reenkarnasyon na hindi kayo dadaan sa pakikipagtalo sa mga salita, na hindi kayo dadaan sa mga salitang makasusugat ng inyong kapwa o magbigay ng pag-aalinlangan sa iba. Mga kapatid ko, binanggit na, kung nasasainyo ang katatagan sa kabila ng maraming pagsubok, kung nasasainyo ang kahinahunan sa kabila ng maraming pag-aalinlangan, kalungkutan, kamatayan na nagaganap sa inyong paligid… mga minamahal ko, nakikita, nailalarawan ninyo ang pilosopiya ng espiritismo na hindi lamang ito ang tunay na buhay. Na ang pang-materyal na buhay ay panandalian lamang, ang pagsubok na dinadanas ng tao’y kaparaanan upang masulong kayo mga kapatid ko, nailalarawan ninyo hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita kundi sa pamamagitan ng inyong buhay ang reenkarnasyon.
Kung kayo’y nagpapatawad, umuunawa, hindi lamang sa inyong kaibigan, kamag-anak, kundi pati na rin sa inyong mga kaaway at hindi kasapi ng inyong lipunan, naipapakita ninyo sa iba ang dakilang batas, ang pag-ibig, ang pagpapahalaga hindi lamang sa inyong sarili kundi higit sa lahat sa inyong kapwa.
Kung nasa inyo ang malawak ng pang-unawa na nagtuturo sa inyo na magsuri, mag-aral, umunawa at alam nyo kung kailan kayo tatanggi at magbibigay, ipinaliliwanag nyo na sa inyong kapatid ang kahalagahan, ang karunungan at pag-ibig na siyang binabandila ng espiritismo. Kung nalilimutan na ninyo ang sariling kapakanan alang-alang sa pagkakawanggawang pang-espirituwal at moral, pisikal, mga kapatid ko, nailalarawan mo na sa inyong paligid ang doktrina ng espiritismo na “sa labas ng kawanggawa ay walang kaligtasan.”
Kaya’t mga minamahal ko, maraming kaparaanan, malaya kayong lumikha ng kaparaanan. Binibigay sa inyo ng Kaitaasan ang kaparaanan ng pagpapalaganap ng mayroon ng kababaang loob at kahinahunan. Ang Hudyo sa kapaligiran ay naririto, paulit-ulit kayong susubukan, subalit nasa inyo ang katatagan na hawakan ang inyong sarili. Pahalagahan ang inyong buhay paggawa na hindi ito uubusin sa pagtatalo at walang silbing kaparaanan. Pag-aralan na lamang ninyo ang buhay ninyo.
Karamihan sa inyo na nag-aaral ng espiritismo at yumayakap nito ay hindi lamang nakuha sa salita kundi natunghayan ninyo ito sa inyong mga kahinlog kung papaano nila niyakap ang pag-aaral nang tahimik, mahinahon, oo nga’t nagpapaalala subalit naroroon, iniwan sa inyong kaisipan ang magandang halimbawa na dulot ng espiritismo. Naakita nyo kung papaano nila isinakripisyo ang kanilang buhay alang-alang sa pag-aaral, kung papaanong napagaang nila ang kanilang buhay at ngayon ay naroroon na sa daigdigan ng espiritu ay patuloy pa ring sumusubaybay at umaalalay sa inyo.
Ganito rin ang inyong gawin. Maging inspirasyon kayo sa iba. At kung papaanong inilarawan nila ang pagmamahal, ganito rin ang gawin ninyo sa iba. Ito ang pinakamabisa na kaparaanan ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo, ng espiritismo na pagpapatuloy ng pag-aaral ni Hesus.
Ito lamang ang siyang bahagi ko. Muli ang kapayapaan, pag-iibigan, pagsusuri’t pag-aaral ang siya nawang iiwan ko sa inyong lahat. Maging matalino kayo na hawakan ang inyong sarili. Gamitin ang inyong maikling panahon sa pagtupad ng tungkulin at pag-aakay sa iba, sa mabisa at kapakipakinabang na kaparaanan.
Paalam, ang inyong kapatid… Florencio dela Cruz.