Hatid Ng Espiritismo’y Kaligayahan At Kapayapaan Ng Buong Pagkatao

Medium: Kap. na Ligaya
April 24 2021 /4:07 PM

Tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala, ang walang hanggang pagmamahal ng mga Kabatlayaan upang kayo ay manatiling naririto sa pag-aaral. Maliit man ang inyong mga bilang ay patuloy pa rin ang pagpapahalaga ninyong mga nagsisipag-aral, lalo’t higit na’y ang pagkakaloob ng mga mumunting aralin ng Kabatlayaan na siyang magiging gabay ninyo sa bawat paglalakbay sa kapatagang ito ng lupa.

Mga minamahal na mga kapatid, ano ang buhay? Ang buhay ay isang dakilang biyayang nagmula sa dakilang Ama. Ang buhay ng tao ay pinagkaloob ng Kaitaasan o ng dakilang Ama upang pumalaot sa karagatang ito ng kapatagan, taglay ang mga katawang laman na bahagi o siyang kakasangkapanin upang ang banal na tungkulin na inyong mga sinumpaan mula pa sa himpapawid ay magkaroon ng katuparan. Ang buhay ay kaakibat ang mga pagsubok, ito’y lutas na sa aking mga minamahal na kapatid at ang mga pagsubok na dumarating sa bawat pagkatao ay mga pangyayaring nagbibigay ng isang pag-aaral.  Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito ay dito kayo natututo. Dito kayo pinapaling ng Kabatlayaan upang ang kahalagahan ng buhay na pinagkaloob ay maihayag ninyo nang buong kapayapaan, ng buong kababaan, ng buong katapatan sapagka’t iyan ang katotohanan, sapagkat iyan ay nagbuhat sa dakilang Ama.

Iyan ay kinakailangan na sa darating na mga araw ay mabigyan ninyo ng kahalagahan upang sa pagbabalik sa daigdigan ng mga espiritu ay maging kapakakipakinabang. Kagalakan ang inyong maipahahatid sapagka’t kayo’y mga hindi nagpabaya sa bawat araling inyong natutuhan. At sa pamamagitan ng mga araling sa inyo ay pinagkakaloob, naririyan ang mga batas, ang batas ng tao, ang batas ng kalikasan, lalo’t higit na’y ang batas ng dakilang Ama. Kung ang mga batas na ito’y susundin lamang ng bawat isang nilikha, katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang hanggang kaligayahan at kapayapaan ang tatamuhin ng bawat isang nilkha at maaaring kainipan niya ang muling pagparito kung dumating na nga ang takdang panahon ng kanyang pagdako sa likod ng libingan.

Sapagkat ang buhay ay paggawa, paggawa ng mga kabutihan at kabanalang taglay ng inyong pagkatao kung kaya nga mga minamahal ko, dumarating lamang ang mga pagkakataon, ang tinatawag na mga kahinaan sapagkat kayo ay may katawang laman. Ang mga kahinaan at ang hibo ng laman ay sadyang kaakibat ng inyong pakikitalad sa kapatagang ito. Kung kaya nga mga minamahal ko, ang Kabatlayaan ay hindi nagsasawa, lagi na’y pinaalahahanan ang bawat isang mag-aaral, lagi na’y tinatapik ang kanyang balikat kung siya’y nalilibang sa pang-araw-araw na gawain, na hindi naman ninyo maiiwasan.

Magkagayon pa man mga minamahal ko, maliit man ang inyong mga bilang, mapapalad kayo at kayo ay nakasumpong ng pag-aaral ng simulaing ito ng espiritismo. Mapapalad kayo na tumutupad ng inyong mga tungkulin, mapapalad kayo na kung dumarating man ang mga kapighatian lalo’t higit ang pagpanaw ng inyong mga mahal sa buhay, magalak kayo at huwang manangis sapagka’t ito ay isang kaparaanan upang ang isang kaluluwa ay masulong sa kanyang kalagayan. Oo’t sapagkat kayo ay mayroon ng katawang laman na bahagi ng inyong pagkatao, hindi ninyo maiiwasan ang paminsan-minsa’y manaig ang damdaming iyan, subalit kapag kayo ay nagkaroon ng pananalig at lubos na pananampalataya, kapag kayo ay naniwalang walang nangyayari nang hindi karapatdapat at ito ay may kabutihang ibubunga, at ang bawat pangyayari ay mayroon ng pagsang-ayon o kalooban ng dakilang Ama, katotothanang anomang mga salaghati, anomang uri ng biyayang sa inyo ay darating ay bukas ang inyong mga puso, bukas ang inyong mga kamalayan, sapagka’t nadarama ninyo na kayo ay hindi pinababayaan, ni sandali man.

Manghawakan lang kayo sapagkat kayo ay nagmula sa dakilang Ama. Manghawakan kayong kayo’y nakakabit sa puno ng ubas. Sapagkat kayo ay nagsisipagbunga, hindi kayo kailanman pababayaang mabali o maalis sa puno ng ubas na inyong kinakapitan. Sumang-ayon lamang kayo sa mga kaalamang sa inyo ay pinagkakaloob ng Kabatlayaan, namnamin lamang ninyo ang matatamis at masasarap na pagkaing inihahain sa inyo sa hapag ng Panginoon ay madarama ninyo ang kasiglahan, ang kalusugan, ang kalakasan hindi lamang ng inyong katawang laman kundi higit ng inyong tunay na pagkatao.

Humayo kayo mga minamahal ko, huwag ninyong alintanahin ang init ng panahon lalo’t higit ay huwag ninyong katakutan ang sinasabing “pandemya” na laganap sa sandaigdigan. Nasa inyong lahat ang kasaganaan ng mga biyaya o pagkain ng inyong mga tunay na pagkatao habang taglay ninyo ang liwanag ng pag-iisip, ang kababaan, ang kahinahunan… wala kayong dapat katakutan.

Iyan lamang mga minamahal ko, humayo kayo ng inyong mga lakad at madarama ninyo na kayo’y hindi pinababayaan.

Muli, mabigkis kayo sa ganap na pagkakaisa. Manatili kayong matatapat na alagad o manggawa sa malawak na bukirin ng Panginoon. Kayo na rin sa inyong mga sarili ang makahihiyaw ng tagumpay, makadarama ng kaligayahan, makasusumpong ng mga kapayapaang hinahanap-hanap ng inyong pagkatao.

Ako sa inyo ay nagpapaalam, ang inyong protektor … Antonio de Padua.