Magsuri, Mag-aral, Gumawa At Tumupad Ng Tungkulin

Medium: Kap. na Sweet
February 27, 2016 / 6:50 PM

Tanggapin ninyo ang masaganang pagpapala mula sa kalipunan ng Kabatlayaang sumusubaybay,maipadama sa inyong kalagayan ang bukas na pag-iisip sa ganap na pagtanggap ng mga aralin, kapayapaan ang hatid ko sa inyong lahat ngayon at sa lahat ng sandali.

Kung ang isang mag-aaral ay tunay na nagsusuri sa katotohanang dala ng pag-aaral ng Espiritismo, mabibigyan ng pansin ang simpleng pamamaraan ng pag-aaral sa tulong ng mga Batlayang gumagamit ng mga kasangkapan upang maipahayag ang tunay na aralin ng buhay. Ito ay paulit-ulit at dapat ninyong suriin, kung gaano katotoo ang pahayag ng mga Batlaya na siyang nagiging sandigan ng pag-aaral ng mga Espiritista lagi na’y hindi nakikita, walang sukatan kung gaano katotoo na ang isang Batlaya na siyang nagpapahayag ay siya nga at wala ng ibang nakapagbibigay ng aral sa isang pag-aaral.

Mga kapatid ko, maraming ulit na sa inyo ay sasabihin “ang Espiritismo ay Kristiyanismo” Na ito ay pagpapatuloy ng pag-aaral ng Mananakop, na ito ay katuparan ng Kaniyang pangako, “isusugo ko sa  inyo ang Espiritung mang-aaliw upang kayo ay aliwin sa inyong mga kalungkutan.” Mga kapatid ko sa panahon ng Dakilang Mananakop,  may isang senturyon na sapagkat ang isang alipin na mahal sa kaniya ay mayroon ng karamdaman at halos ay malapit na sa kaniyang takdang panahon,  nang mabalitaan niya ang kadakilaan at mga himalang ginagawa ni Hesus, nagpasugo siya  ng mga matatanda sa Hudyo upang hilingin sa Panginoon na kung maaari’y tulungan ang kaniyang alipin sa kaniyang kalagayan. Nagpaunlak naman si Hesus lalo na ng sabihin na ang senturyon  ay tumutulong sa pagtatayo ng mga sinagoga, subalit Siya ay pinigil ng kaibigan ng senturyon at sinabi sa Panginoon na “Kayo ay hindi karapatdapat na tumuloy sa ilalim ng aking bubungan subalit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ang aking alipin. Sapagkat ako ay mayroon ding kapamahalaan. Maraming sundalo na nasa ilalim ng aking pamamahala, sa isang salita ko lamang  ay sumusunod sila, kapag sinabi kong yumaon ka, siya ay yumayaon, kapag sinabi kong halika, siya ay lumalapit,  kapag sinabi ko sa aking alipin na gumawa ka siya ay tatalima.” Gayun na lamang ang gulat ni Hesus sa pananampalatayang ipinakita ng senturyon.

Mga minamahal ko, pag-aralan ninyo, hindi man lamang naiabot ni Hesus ang Kaniyang kamay sa taong may karamdaman, gayunman, sa isang simpleng pananampalataya at pananalig, napagaling na ang alipin.

Mga minamahal ko,gayundin naman  sa daigdigan ng mga espiritu: Maraming espiritu ang gumagalaw upang tumalima at sumunod sa ipinag-uutos ng mga nakatataas sa kaniya at sa lakas ng pag-iisip, mararamdaman ninyo na ang Panginoong Hesus, ang Kaniyang aralin, ang Kaniyang simulain ang ipinahahayag ng Kabatlayaan. Mga kapatid ko, unawain ninyo na sa daigdig ng mga espiritu kung papaanong ang lahat at bawat isa sa inyo ay mayroong takdang gawain, gayundin naman doon at higit pa tumatalima ang lahat upang matupad ang batas ng kalikasan. Maging ang simoy nga  ng hangin,ang pagdaloy ng mga tubig, ang lahat ng mga ito ay gumagalaw sa tulong ng Kabatlayaan. Kaya’t lahat ng ito, kung nagpapahayag sa inyo ay unawain ninyo ayon sa kanilang aralin, ayon sa kanilang salita, sapagkat ang lahat ng ipinapahayag ay parang orchestra. Iba’t iba ang tunog subalit iisa ang nota. Mga kapatid ko, ang pag-aaral ng espiritismo ay hindi isang relihiyon kundi isang simulain na ang layunin ay pagbabago ng tunay na tao… ang espiritu, at maging handa sa kaniyang pagbabalik sa Ama.

Lahat ng relihiyon ay may kaniya-kaniyang katotohanan. Walang relihiyong maaaring magsabi na ito ang totoo kaya’t dahil dito ay pulutin ninyo ang bawat aralin, ang maliliit na butil ng katotohanang ibinibigay ng bawat relihiyon at kung maaari’y gamitin ninyo kung mapagbabago ninyo ang inyong sarili. Ang relihiyon ay maraming halina ng dogma na ikinulong ang pag-iisip ng tao sa takot na di pagsunod dito. Ang layunin ng Espiritismo ay kapalit ang takot na iyan upang sa gayon ay makita ninyo ang katotohanan base sa dahilan ng mga pangyayari nang naaayon sa batas ng pilosopiya ng Espiritismo. Huwag ninyong pag-alinlanganan ang mga abot-sabi ng Kabatlayaan, ng mga espiritu, suriin ninyo. Ang Espiritismo ay bukas sa pagsusuri at kung kayo ay magsusuri ay huwag kayong humanap ng dahilan sa inyong mga pagkukulang at pagkakamali. Magsuri kayo upang kayo ay magkaroon ng inspirasyon upang maipagpatuloy ninyo ang pag-aaral.

Mga kapatid ko, nawa’y sumainyo ang katatagan at pag-iisip ng senturyon. Hindi na kailangan pang pumaroon si Hesus at maghayag si Hesus sa Kaniyang ginawa sapagkat nakita ni Hesus ang kaniyang kababaan. Ang mga espiritung sa inyo ay nagpapahayag ay  naging ganap na rin at ang mga ito na ang susubaybay upang kayo ay magpatuloy sa inyong pag-aaral. IIsa ang ating dinadambana,”ang pag-aaral ni Hesus”. Nawa sa Kaniyang salita, sa Kaniyang mga aral ay makita ninyo ang pagbabago,. Huwag ninyong pakaisipin na dulot na rin ng inyong kamangmangan ay laging nasa inyong piling ang Mananakop na para bagang isang espesiyalista na gagamot sa inyong karamdaman. Pag-aralan ninyo ito, na kayo na kung hindi pa nakakaramdam ng gamot (paggaling), maaaring nasa inyo pa ang katigasan ng inyong mga puso sa pagtanggap. Maaring nasa inyo pa ang kataasan, ang kamangmangan at ano pa mang tinatawag na phenomena ukol sa pag-aaral ng mediumnidad ay panandalian lamang subalit ang aral ukol sa inyong pagbabago ay mananatiling na sa inyo magpakailan pa man. Naririyan sa inyo ang magbibigay ng karamdaman at ang mga nararapat sa inyong mga antas. Na katulad ng senturyon na kilala sa lipunan subalit inamin niyang hindi siya karapatdapat sa pagbisita ng Mananakop, “sabihin mo lamang ang salita “at gagaling na ang karamdaman ng kaluluwa. Maging mababang loob kayo. Huwag kayong magnasa ng mga espiritung hindi kilala sa kapatagang lupa sapagkat pagdating sa dako pa roon, iba na ang papel na ginagalawan ng bawat isa at kung kayo ay mananatili sa inyong kamangmangan at kapalaluan, ang mga espiritung ito ay maaari ding magbalatkayo kaya’t ingatan din ninyo ang inyong mga sariling paniniwala.

Magsuri kayo at pag-aralan ang mga salitang ibinababa sa hapag ng Panginoon. Ito lamang ang bahagi ko, muli’y sumainyo ang kapayapaan, ang matibay na pananampalataya, nawa’y maunawaan ninyo ang mga nagaganap sa inyo base pa rin sa batas na ibibigay ng Diyos. Paalam..ang inyong ….. Antonio de Padua.