Pag-ibig At Kawanggawa Sa Araw Ng Sabbath

Medium: Kap. na Sweet
April 24, 2021 / 5:22 PM

Tanggapin ninyo ang kapayapaan na dulot ng pag-aaral ng espiritismo, at nawa’y magkaisa; una ang inyong pag-iisip, damdamin at kalooban; pangalawa, ang kanya-kanyang pintigin ng bawat mag-aaral patungo sa kaliwanagan, kahinahunan, kapanatagan ng kalooban sa gitna ng pag-aaral ng espiritismo, ngayon at magpakailanman.

Noong panahon ng dakilang Mananakop, may nagsabi, “ang taong ito ay hindi galing sa Diyos, siya’y isang makasalanan sapagkat sinusuway Niya ang araw ng Sabbath.” Subalit mayroon din namang nagsabi, “base sa Kanyang mga ginawa, ang isang nagmula sa Diyos ang makapagbibigay ng tanda na Siya ay nagmula sa Diyos.” At dahil dito, nahati sa gitna ang opinyon at pag-iisip ng mga tao na gayun din ang nagaganap sa kasalukuyan, sa kabila nang mabilis na takbo ng komunikasyon, ng teknolohiya, ng panahon, sa kabila na dumaranas ng maraming pagsubok hindi lamang ng isa kundi ang lahat, iba-iba pa rin ang opinyon ng tao, wala pa ring pagkakaisa, iba-iba ang tibukin, bawat isa’y nagsasabi na higit siya kaysa iba. Siya ang tama at ang iba ang mali. Ito ang mas malakas at sa inyo ang mahina, ito ang dapat sundin at ang iba ay iwaksi.

Mga minamahal ko, magmula pa sa panahon ni Hesus hanggang sa kasalukuyan, at sa marami pang panahon na darating sa gitna ng pamumuhay sa daigdigang ito ng pagsubok, luha at hinagpis, hindi maiiwasan at hindi rin naman tatanggalin ang ganitong pagkakaiba-iba ng opinyon sapagkat sa inyo ay ipinauunawa ng Kaitaasan na ang buhay sa kapatagan ng lupa ay pag-aaral, na kinakailangang suriin ang mga pangyayari, hawiin ang kamangmangan at tuklasin ang kaliwanagang magpapalakas sa kanyang paniniwala at paninindigan. Kinakailangang magpakahinahon ang isang mag-aaral upang ang kanyang dalisay na tibukin ay maging matalas na unawain ang kanyang sarili, ang taong nasa kapaligiran niya, maging ang karanasang darating sa kanyang buhay. At sa mapalad na yugtong ito ng inyong pag-aaral, unawain natin, sabay-sabay na linangin ang salita ni Hesus upang maging paksang aralin na inyong palalawigin sa pamamagitan ng inyong pag-aaral.

Nang dahil lamang sa hindi pagsunod sa araw ng Sabbath, nahusgahan si Hesus na isang makasalanan. Noong unang panahon, ang hindi pagsunod sa araw ng Sabbath ay hinahatulan ng kamatayan, mahigpit ang mga Hudyo sapagkat ang araw ng Sabbath ay minanang aralin na naroon pa sa sampung utos ni nunong Moises na kinakailangang tuparin, sundin, anoman ang lagay ng sitwasyon, anoman ang lagay ng pangyayari sa buhay ng tao. Iyan ang nais na ipaunawa ni Hesus, hindi Niya kinakalaban ang sinaunang aralin, kung hindi nais Niya na unawain ito nang mayroon ng karunungan at pag-ibig, sapagkat kung mayroon mang kinakalaban ang espiritismo, iyon ay ang panatismo, ang pagsunod nang hindi nag-aaral at nagsusuri.

Mga minamahal ko, kung mayroon mang hinahamon si Hesus, yan ay ang kamalayan ng tao. Tanggalin ang pikit matang pagsunod. Tanggalin ang mga bagay na may kamangmangan na nauukol lamang sa materyal na bagay. Kaya’t ang sinasabi Niya, “ano ang mas mahalaga, ang gumawa ng kabutihan o sundin ang araw ng Sabbath?” na noong pinalaya Niya ang isang babae sa kamangmangan ng mababang espiritu, nangatwiran Siya … “Kung pinalalaya ninyo ang inyong mga hayop, tinatanggal ang tali at pinaiinom sa araw ng Sabbath, bakit ninyo pinagbabawalan na pagalingin ang babaeng ito, kalasin ang tali na nagpapahirap sa kanya sa loob ng labinwalong taon?” Na ang Kanyang mga alagad ay nagutom, kumain ng trigo sa araw ng Sabbath, ipinagtanggol Niya ito sa maling nakagisnan na paniniwala ng tao.

Gayundin ang hiling sa inyo ng Kabatlayaan. Nabuhay kayo sa isang pamayanang maraming tradisyon, kapistahan, pagdiriwang, sana’y magkaroon kayo ng lakas ng loob na tanungin ang halaga nito sa inyong pansariling espirituwal na pag-aaral. Nagising kayo sa isang paniniwala at isang relihiyon, uriin ninyo ang mga aralin, kilalanin kung ito ba ay maghahatid sa inyo sa tumpak na landasin ng buhay, hindi lamang sa pangkasalukuyang buhay kundi sa buhay pagkatapos ng kamatayan.

Kung ang mga tinuturo sa inyo ay nagpapabigat sa inyo, o nagpapalaya sa inyo sa maling paniniwala, kung nabubuhay kayo sa maraming pamahiin, na siyang nagtatali sa inyo na manatili lamang sa abang kalagayan, mga minamahal ko, hindi kayo kakalaban ng isang pag-aaral, kundi hahamunin ninyo lamang, una’t higit sa lahat ang inyong sarili na mag-aral, gumawa sa pamamagitan ng pag-aaral. Sapagkat sa paggawa, hinahasa ninyo ang inyong mga nalalaman.

Mga kapatid ko, ito ang makabagong panahon sa kung saan tatanungin ninyo ang inyong sarili, paano ninyo ginugugol ang sandali ng inyong buhay at kung papaanong ang iyong salita, ang iyong gawa, ang kislot ng iyong pag-iisip ay nakaaapekto sa pamayanan na iyong ginagalawan. Mga kapatid ko, lingid sa inyong kaalaman ang inyong salita, ang tibukin ninyo ay lakas na maaaring makabuo, makalikha at maaari rin namang makasira hindi lamang ng kalagayan ng inyong kapwa, kundi ng kapayapaan, ng pagkakaisa, ng damdamin, ng katahimikan sa inyong paligid. Nagtatanong kayo, bakit wala ng pagkakaisa, kanya-kanya ang tao, matira ang matibay, nangunguna ang maraming makapangyarihan at mayayaman, subalit sa kabila nito, marami pa rin sa kanila ang kinukulang, kinakapos, sa kabila ng tinataglay na katangian at ari-arian. Nawa’y maunawaan ng tao ang epekto niya sa iba, na siya ay may pananagutan sa kanyang kapwa. Na ang lahat ng kanyang naisin, gawi, tibukin ay mayroon ng epekto sa iba. Na hindi lamang siya nag-iisa kundi kayo ay nabubuhay sa isang sistema na kinakailangang naroroon ang magandang pag-uugnayan, hindi ang makasariling alagatain at tibukin lamang ang kinakailangang maghari.

Sa antas ng daigdig na inyong ginagalawan, mahirap itong maisakatuparan sapagka’t katulad nga ng sinabi ng maraming espiritu, ang daigdigang ito ay isang daigdigan na kung saan ang isang espiritu’y kinakailangang mag-aral, linangin ang kanyang katangiang maka-Diyos, na gagamitin ang mga karanasan, pagsubok upang matuto, upang maunlad. Kaya’t mga minamahal ko, magpakatalino kayo, labanan ang kamangmangan ng karunungan at pag-ibig. Labanan ang takot ng kahinahunan at pagtitiwala sa Diyos. Labanan ang pagkakanya-kanya ng dalangin na sana’y maunwaan ng tao ang halaga ng kanyang kapwa sa kanya at ng kanyang sarili para sa kanyang kapwa. Kung hindi matutupad ito, naroon ang hirap, naroon ang sakit, sapagka’t nauunawaan ninyo sa tulong ng espiritismo, nagkakasakit ang tao sapagka’t walang balanse ang kanyang buhay. Maaaring nananaig ang ang mga alagataing pansarili, takot, alalahanin at ginagapi nito ang resistensya ng isang nilalang.

Mga minamahal ko, magpakatalino kayo. Gamitin ninyo ang inyong karunungan at pag-ibig na isang haligi ng pag-aaral ng espiritismo. Hindi kayo susunod sa sinaunang aralin kundi magiging makabago kayo at ang mahabang utos na iniwan ni Moises na naroroon ang tungkol sa Sabbath ay unawain ninyo sa pamamagitan lamang ng isang salita, “pag-ibig” na gagamitin ninyo sa bawat kawanggawa na inyong isasakatuparan.

Mga minamahal ko, katulad ng sinabi ni Hesus, ang araw ng Sabbath ay nilikha para sa tao. At kung sa ikapitong araw ng paglilikha, sinabing namahinga ang Diyos na sa pag-aaral ng espiritismo’y hindi nagpapahinga ang Diyos… walang humpay, walang pigil ang kanyang pagmamahal, pagkalinga, pagmamasid, pagtingin sa tao. Ito’y makahulugang pananalita, na ang araw ng Sabbath ay binigay sa tao upang lumikha, upang gumawa, upang kumilos, hanapin ang kanyang ikatatagumpay na pang-espirituwal. Hanapin ang kanyang ikapapanuto, hanapin ang nawawala sa kanya, hanapin ang nalimutan niya, hanapin ang itinago niyang kaangkinan na maka-Diyos diyan sa loob ng inyong pagkatao. Ito ang hiling ko sa bawat isa, magpakatalino kayo, gumawa nang mayroon ng karunungan at pag-ibig.

Mag-isip nang walang takot, walang alalahanin, maglakbay nang mayroon ng katalinuhan sapagka’t nasa inyo ang pag-aaral. Makipamuhay hindi tulad ng paralitiko na tinakot ng alalahanin, mamumuhay kayo nang malaya sapagka’t nasa inyo ang pag-aaral na hindi kayo tinatakot. Hindi kayo pinapanghina, kundi sa kabila ng pagsubok, kayo ay pinalalakas.

Paalam… muli ang kapayapaan, bigkisin ninyo ang inyong pag-iisip, damdamin at kalooban upang manatili itong malakas, matipuno, matapang na haharapin nang mayroon ng kabayanihan ang alin mang pagsubok, sakit, at pag-aalinlangan, kamangmangan na darating, sasalubong sa bawat pakikipamuhay ninyo sa daigdigang ito ng hugis.

Paalam, ang inyong apostol … Santiago.