Medium: Kap. na Ligaya
May 1, 2021 Dia Espiritista / 2:07 PM
Maghari nawa sa aking mga kapatid ang ganap na kapayapaan ng kanilang pag-iisip, damdamin at kalooban upang ang araw na ito ay maging kapakipakinabang at maging simula upang matanim sa kanilang pagkatao kung ano nga ang diwa ng araw na ito, ngayon at magpakailan man.
Mga minamahal na kapatid, ang araw na ito’y tinaguriang … “araw ng paggawa” at nalalaman kong hindi lamang isang araw isinasakatuparan ng aking mga minamahal ang kahalagahan ng “araw ng paggawa”. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, mula sa pagsikat ng araw na mamulat ang inyong mga mata, matapos magpasalamat na madama ninyo muli ang buhay na sa inyo ay pinagkaloob, kasunod nito’y ang mga hanay ng paggawa ng nauukol hindi lamang upang bigyan ng kahalagahan ang buhay laman, kundi higit na’y maisakatuparan ninyo ang kahalagahan ng buhay at ng araw na sa inyo’y pinagkakaloob lagi na ng Kaitaasan. Mga minamahal ko, malawak ang kahulugan ng “araw ng paggawa”, kung papaanong ang inyong mga pagkatao’y mayroon ng pag-iisip, damdamin at kalooban, mga minamahal ko, ang inyong mga pag-iisip ay matuon nawa ninyo sa paggawa ng mga mumunting kabutihan na inyong natututuhan, upang huwag masayang ang mga sandaling sa inyo’y dumarating. Gayundin naman ang inyong mga damdamin na kinakailangang sumang-ayon sa mahalagang tungkuling nakaatang sa inyong mga balikat, at kapag ang damdaming iyan ay nagkaroon ng marubdob na pagnanasa, magagawa ninyo mga minamahal ko ang mga gawaing magbibigay sa inyo ng pagkasulong ng inyong mga pagkatao. Gayundin naman ang inyong mga kalooban, kapag ang inyong mga kalooba’y hindi sumang-ayon sa itinitibok ng inyong mga damdamin at inahahagkis ng inyong mga pag-iisip, anomang araw na dumating sa inyo ay mawawalan ng kabuluhan at hindi kayo magtatagumpay sa mga layuning kayo’y makagawa hindi lamang ng mga gawang nauukol sa inyong sa mga katawang laman kundi higit na’y mga gawang nauukol sa inyong espiritu.
Kaya nga mga minamahal na kapatid, kung papaanong ang kawanggawa’y mayroon ng tatlong kaangkinan o tatlong gawain na nagbibigay ng lubusang pagpapahalaga, mga minamahal ko ialinsabay ninyo ang inyong mga paggawa, ang pagkakawanggawa sa laman, sa asal at sa espiritu. Na ito’y palasak na sa mga mag-aaral ng simulaing ito ng pag-ibig, hindi na kinakailangan pang isa-isahin ang mga kaparaanan sapagkat nalalaman kong sa matagal na panahon ng inyong pakikipag-aral, ang tatlong uri ng kawanggawa’y alam na ng lahat. Kung kaya mga minamahal ko, nawa’y sa patuloy ninyong pakikipag-aral sa Kabatlayaan ay bigyan ninyo ng pansin ang kaangkinan ng inyong mga pagkatao, ang pag-iisip, damdamin at kalooban sapagkat kinakailang ito ay magkaisa upang maisakatuparan ninyo ang alinmang uri ng pagkakawanggawang nalalaman ninyo na mga kaparaanan upang matamo ninyo ang tinatawag na kaligtasan.
Kaya nga mga minamahal ko, paulit-ulit man ang panawagan ng mga Batlaya, paulit-ulit man ang pagpapahayag ng mga mumunting karunungan at kaalaman, ito’y pangangailangan ng lahat at bawat isa upang ang inyong mga kakulangan sa panig ng inyong mga tunay na pagkatao ay unti-unti ninyong mapunan, unti-unti ninyong madama na ang mga bagay pa lang dumarating at darating pa sa ibang araw ay buong puso na may mga mga ngiti sa mga labi na ito nga’y natatanggap ninyo na ito’y ayon sa kalooban ng dakilang Ama.
Dahil dito mga minamahal na kapatid, humayo kayo ng inyong mga lakad. Huwag ninyong alintanahin ang init ng panahon, sadyang ito’y kaagapay upang lalo kayong magsumidhi, lalo ninyong madama ang isang kasiglahang nag-aanyaya na huwag kayong ngangapa-ngapa upang kung dumating ang prinsipe ng sanlibutan ay nakahanda ang bawat isa na tanggapin ng kalooban ng Amang sa inyo’y nagbigay ng buhay.
Ipagpatuloy ninyo mga minamahal ko ang inyong pag-aaral, at habang tumatagal ay nalalasap ninyo, naaninaw ninyo ang isang hinaharap na ito pala’y mga regalo, mga kaligayahan na siyang kagantihan ng inyong mga pagpapagal, ng inyong mga gawain, pagpupunla sa malawak na bukirin ng Panginoon.
Iyan lamang mga minamahal na kapatid ang sa inyo’y aking maipagkakaloob. Muli ay mabigkis kayo sa ganap na pagkakaisa, manatili ang tapat na pagkakapatiran, kalimutan ninyo ang maliliit na butil na mga daladalahing magpapabigat habang kayo’y naglalakbay upang magaan kayong makarating nang maluwalhati saan man kayo idako ng inyong panyapak.
Paalam, ang inyong protektor… Antonio de Padua.