APOSTOL JUAN
Medium: Kap. na Gigi
May 1, 2021 Dia Espiritista / 3:35 PM
Sumainyo at maghari ang kapayapaan. Tanggapin ninyo ang mga biyayang ipinagkakaloon ng Ama sa bawat araw na sa inyo ay dumarating. Kapayapaan ngayon at hanggang wakas.
Ipinagdiriwang ng bawat isang mag-aaral ang araw ng paggawa, ang araw ng mga espiritista o mga mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng espiritismo. Sinasabing sa labas ng kawanggawa ay walang kaligtasan, hindi maililigtas ng isang relihiyon ang isang tao, hindi rin maililigtas ng isang pag-aaral ang isang tao kundi ang tanging makapagliligtas sa isang anak ng Diyos ay ang kanyang mga gawa, ang kanyang mga mabubuting gawa. Ano ang ibig sabihin ng gawa? Ito ay pagkilos, paggalawa nang naaayon sa paggawa ng kabutihan at kabanalan, paggawa nang naaayon sa ikalulugod ng Dakilang Lumikha, paggawa para sa inyong mga kapwa, para sa inyong kapaligiran.
Mga iniibig na kapatid, ano ba ang tinutukoy na paggawa na naaayon sa kabutihan at kabanalan? Ang pagbibigay ng pagmamahal at pag-ibig sa kapwa, ang pang-unawa sa pagkukulang at pagkakamali ng inyong kapwa. Ang pagsasakripisyo para sa kabutihan ng iba. Ang paglimot sa sariling ninanais, ang paglimot sa sariling kaligayahan para maipakita at maipadama ang pagmamahal sa inyong mga kapwa. Subalit, papaano maipapakita ng bawat kapatid na tama nga ang kanyang kinikilos at ginagawa para sa kanyang kapwa? Papaano niya mapatutunayan sa kanyang sarili, sa kanyang kapaligiran ang tunay na ninanasa, ninanais ng pag-aalay at paghahandog ng mga gawaing may kabutihan at kabanalan? Ang isang tao ay gumagawa para sa kanyang kapwa sa kung ano ang dapat. Minsan ang tao ay gumagagawa na naaayon lamang sa kung ano ang natututuhan sa katulad ng pag-aaral na ito ng dakilang simulain ng espiritismo. Kung minsan ang tao ay gumagawa dahil nais niyang ipakita sa kanyang kapaligiran na naroon siya sa isang kalagayan na mayroon ng kabutihan, sa isang kalagayang mayroon ng malasakit sa kanyang kapwa subalit ang tanong, nasa inyo ba ang katapatan at kadalisayan ng mga paggawa at paglilingkod na inyong pinagkakaloob sa inyong mga kapwa? Mahalaga na sa inyong mga pagkilos at paggawa na naroon ang katapatan, naroroon ang kadalisayan, naroroon ang tunay na pagmamahal at pag-ibig sa inyong mga kapwa. Sa magaspang na pananalita, maaaring madaya ng tao ang kanyang sarili, maaaring madaya ng tao ang kanyang kapwa, subalit kailan man ay hindi ninyo madadaya ang Dakilang Lumikha sapagka’t maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam ng Ama. Kung kayat ano man ang naroroon sa inyong mga puso, kung anoman ang laman ng nito, kung anoman ang itinatakbo ng inyong pag-iisip ay nababatid ng Ama. Hindi kailanman magiging o matatawag na kabutihan at kabanalan ang isang gawa na walang kalinisan, walang katapatan, wala ng pagkadalisay. Kung ang inyong paggawa ay naaayon lamang sa ikaw na ito ang iyong natutuhan, ito ang tama, ito ang ikalulugod ng Diyos, ito ang utos subalit wala ng katapatan, tuwiran kong sinasabi sa lahat at bawat na wala ng kabuluhan, wala ng halaga anoman ang inyong ginagawa, wala ng katapatan, wala ng pagkadalisay, ito’y mawawalan ng kabuluhan. Sinasayang niyo lamang ang maraming pagkakataon na sa inyo’y pinagkakaloob ng Diyos upang maipakita ng tao na siya ay natuto, upang maipakita ng tao na siya ay tunay na nagmamahal sa kanyang kapwa, kung kayat ang kanyang sarili ay patuloy sa pagkilos at paggawa sa pagpapadama ng pag-ibig at pagmamahal.
Sinasabing sa labas ng kawanggawa ay wala ng kaligtasan, kung kayat paano maliligtas ang tao? Sa pamamagitanng paggawa, subalit paulit-ulit kong sasabihin mga iniibig na kapatid na sa inyong paggawa ay kinakailangang naroon ang katapatan, naroon ang kadalisayan ng itinitibok ng inyong mga puso. Kinakailangang magpakatotoo ng tao, kinakailangan sa kanyang pagkilos at paggalawa ay naroon ang mabuting tibukin ng inyong mga puso. Kung walang katotohanan o hindi totoo ang pinapakita ng tao sa kanyang kapwa ay mas makabubuti pa ay huwag na lang gumawa kaysa gumawa nang walang katapatan at walang kadalisayan ang isang anak ng Diyos.
Mga iniibig na kapatid, bakit nga ba kung minsan ang isang tao ay hindi nagiging tapat sa kanyang gawain kahit pa ito ay may kabutihan? Bakit hindi nagiging dalisay ang inyong pagpapakita at pagpapadama nito sa inyong kapwa? Una, tatanungin mo at tatandaan sa iyong sarili, ano nga ba ang kadahilanan bakit ako naririto sa daigdigan ng mga hugis. Ang kadahilanan ay upang mapagbayaran mo ang iyong mga pagkakasala, upang maipagpatuloy mo ang iyong tungkuling sinumpaan sa Ama, upang makapagsagawa ka ng mabubuti at mga banal na gawain na kung paano inihahanda ng bawat isang kalagayan ang kanyang kinabukasan gaya ng pagsusumikap sa hanapbuhay, nagsusumikap sa mga gawa ay ganoon din ang tao, pagsisikapan din niyang paghandaan ang kanyang paglalakbay sa dako paroon ng buhay. Ang gawang walang katapatan at kadalisayan ay mawawalan ng kabuluhan. Linisin nyo ang inyong mga puso, linisin ang pag-iisip, bantayan ninyo ang lahat ng bahagi at sangkapin ng inyon katawang laman, bantayan ang paningin, ang mga pandinig, ang inyong mga bisig, panyapak, dila. Babantayan nyo ang lahat ng sangkaping ito, ng inyong katawang laman, sa gawi ng pagkakamali at pagkakasala.
Bakit minsan ang tao ay hindi makapaglingkod sa kapwa? Bakit hindi niya lubusang maipadama ang kanyang pag-ibig, bakit nauudlot ang kanyang paggawa upang magparamdam ng pag-ibig at pagkalinga sa kanyang kapwa? Sapagkat ang tao ay labis na nagmamahal sa kanyang sarili. Sapagkat ang tao ay natatakot na baka maubusan, natatakot na kung sakali na siya ay magbigay ay siya naman ang mawawalan.
Marami pang pagkakawanggawa mga iniibig na kapatid ang maaaring isakatuparan.
Gaya ng mga panahong ito na maraming tao na nasa iisang pagsubok, marami ang nakadarama ng kalungkutan, marami ang natatakot, marami ang nagugulihaman sa kanilang buhay, nang dahil sa mga negatibong damdamin na ito ay nalilimutan ng tao ang kanyang kapwa. Nang dahil sa negatibong damdamin na ito ay nalilimutan ng tao na gumawa para sa kanyang kapwa. Kinakailangan niyang gumawa upang siya ay makapag-ipon, makapag-impok sa kanyang lukbutan na siya niyang babaunin sa kanyang paglalakbay sa dako paroon ng buhay, na babaunin ng inyong espiritu.
Huwag alintanahin ang mga suliranin. Huwag ninyong tanungin kung paano na ang bukas. Kung patuloy mong iisipin ang suliranin ng buhay, iisipin at iisipin lamang … magkakaroon ba ng kalutasan? Kung iyong iisipin at dadamahin ang karamdamang iyong tinataglay, magkakaroon ka ba ng kagalingan? Kung patuloy mong iisipin ang at iindahin ang mga negatibong nangyayari sa buhay, magkakaroon ba ito ng solusyon? Mga iniibig na kapatid, naririyan ang Diyos Ama, Siya ang higit na nakaaalam, Siya ang tunay na makatutulong. Ang Diyos ang tanging ang nakababatid kung ano ang makabubuti sa Kanyang mga anak.
Sa panahong ito, na naririyan pa rin ang pagsubok na pangkalahatan, hindi ito nangangahulugan na ang tao’y hihinto na sa kanyang paggawa, na ang tao ay hihinto na sa kanyang tungkulin, hindi ito nangangahulugan na ika’y naroon na lamang sa kalagayang lugmok, sa kalagayang iniisip ang mga suliranin, sa kalagayang puno ng katanungan. Hindi hadlang ang malaking pagsubok ng buhay upang ang tao ay huminto na sa paggawa, malimutan na ang kanyang kapwa, huwag nang makaisip ng mga kaparaanan upang maipagpatuloy niya ang kanyang mga gawain at tungkulin.
Hindi lamang sa materyal na ang tao ay makapagkakawanggawa. Marami pang kaparaanan. Ang pananalangin para sa iyong kapwa, upang magkaroon ng kapayapaan at kalinisan ng pag-iisip ang mga kapwa sa kapaligiran. Palalakasin ang kalooban nilang nanghihina. Bibigyan ng kalakasan ang damdaming nawawalan na ng pag-asa.
Alalahanin ninyo na ang pagdiriwang na ito ay nauukol sa paggawa. Magpapatuloy ang aking mga iniibig na kapatid sa mga gawain na mayroon ng kabutihan at kabanalan. Huwag damdamin ang mga nagaganap, tanggapin lamang nang buong puso at pag-iisip, nang buong kaluluwa ang lahat ng pagsubok na ito. Lahat ito ay may katapusan. Huwag mag-aalala sa mga pangyayari na patuloy na nagaganap. Lakasan ang pananampalataya. Patuloy na manalangin sa Kaitaasan upang sa sandali ng inyong pananalangin ay magkaroon kayo ng kaliwanagan ng pag-iisip. Magkaroon ng kalakasan ng kalooban. Damdaming punong-puno ng pag-asa. Huwag alintanahin ang mga pangangailangan sapagkat lahat ito’y ipagkakaloob ng Kaitaasan.
Patuloy na gumawa, magkawanggawa. Tutuparin ang mga aral mula sa Kaitaasan nang mayroon ng katapatan at kadalisayan. Lakasan ang inyong kalooban, tibayan ang pananampalataya at pananalig.
Anoman ang iyong suliranin, naririyan ang Ama, naririyan din ang mga banal na espiritu na patuloy na gumagabay at kumakalinga. Huwag ninyong alalahanin anoman ang inyong kalagayan sa mga sandaling ito, kayo man ay karamdaman, kinakapos o kinukulang man. Manalig ka lamang at sumampalataya, ang Diyos ay hindi nagpapabaya, alam ng Diyos ang kanyang ginagawa.
Muli ay kapayapaan ang aking iiwan, magpatuoy sa paggawa, paggawa ng kabutihan at kabanalan nang may kadalisayan. Umibig sa inyong mga kapwa, gabayan ninyo ang inyong mga kapwa, palakasin ang inyong kalooban, patuloy na manalangin sa Dakilang Lumikha, walang pagsubok na walang katapusan. Magpatuloy sa paggawa.
Muli ay kapayapaan ang aking iiwan. Ako sa inyo ay nagpapaalam, ang inyong patnubay … Juan, paalam.