Huwag Maging Patay Sa Paggawa

FLORENCIO DELA CRUZ
Medium: Kap. na Sweet
May 1, 2021 / 4:27 PM

Sumainyo ang kaliwanagan at subaybay ng Kaitaasan, nawa’y maging malakas hindi lamang ang inyong kasangkapang laman kung hindi ang inyong tunay na pagkatao rin upang maunawaan at matanggap ang pagkain na hatid sa inyo ng Kabatlayaan. Maunawaan ninyo ang inyong sarili, ang inyong paligid at kung saan kayo patutungo. Kapayapaan ang hatid ko sa inyong lahat ngayon at sa lahat ng sandali.

Sa mapalad na araw ng paggawa, maikling salita ni Hesus ang sa inyo’y gugunitain ko upang magsilbing basehan ng inyong pakikipamuhay, buhay-pagkilos, buhay-paggawa at paggalaw sa daigdigang ito ng hugis, pagsubok, luha at pag-aaral.

Kapansin-pansin at mahirap kalimutan, tumatalab sa kalamnan ang iniwang salita ni Hesus… “Sinasabi ko sa inyo, ang Ama ay hindi Diyos ng mga patay, kung hindi ng mga buhay. Lubha kayong nagkakamali.

Sa maikling pananalitang ito, napaisip ang mag-aaral, “Paano na ang mga sinaunang mahal sa buhay na pumaroon sa daigdigan ng mga espiritu, nilisan na ang daigdigan ng materya at ng hugis, hindi ba sila nasasakupan ng kapangyarihan at kabanalan ng Diyos? Tanging mga buhay lamang ba na kumikilos dito sa kapatagan ng lupa ang pinagpalang anak na Diyos na nakadarama ng Kanyang subaybay at pagmamahal? Ano ang kamatayan, sino ang buhay at sino ang tunay na patay?”

Nalalaman ninyo na sa pag-aaral ng Espiritismo, ang kamatayan ay dakilang kasangkapan ng Ama patungo sa pagbabago. Nagbabago ang kasuotan ng isang espiritu nang dahil sa kamatayan. Nagbabago ang kanyang daigdig, nagbabago ang kanyang pag-iisip at pananaw, nagbabago rin ang kanyang nakikita, at nagbabago rin ang lahat ng kanyang sangkapin sapagkat iba na ang mundong kanyang ginagalawan.

Sa iba, kapag namatay ang tao, mahihimlay na lamang, maghihintay ng takdang paghuhukom, nahihimbing, natutulog sa isang lugar na hindi malaman o makatiyak kung nasaan. Sa iba naman, ang kamatayan ay biglang paghuhukom sa kung saan gagapasin ang tao, ilalagay sa paraiso yaong mabubuti, subalit ilalagay naman sa naglalagablab na apoy ng impyerno yaong masasama. Subalit sa pag-aaral ng Espiritismo, ang buhay ay tuloy-tuloy. Ang nawala, naputol ang buhay dito sa kapatagan ng lupa ay nabubuhay sa daigdigan ng mga espiritu upang ipagpatuloy ang naantalang gawain, upang hanapin pa rin ang pagbabago, upang kilalanin ang sarili, magpalakas ang espiritung ito sa muling pakikipamuhay hanggang sa maatim niya o marating ang pagbabagong minimithi ng isang nilalang.

Kaya’t mga minamahal ko, walang namamatay kung hindi yaong mga nilalang na punong-puno ng kamangmangan o kahinaan na dala ng kanilang labis na takot ay ginagawang patay ang sarili sa pagkilos. Ginagawang patay ang sarili sa paggalaw, sa pagtupad ng tunay na tungkulin o hangarin kung bakit siya pinanganak sa kapatagan ng lupa. Mga minamahal ko, ang patay na tinuturing ni Kristo sa Kanyang pananalita ay yaong mga nilalang na sa kabila na nasa kanila na ang laya, ang lakas, ang buhay ay hindi pa rin gumagalaw, hindi pa rin humahakbang patungo sa pagbabago na siyang mithiin ng isang kaluluwang nakipagsapalaran sa kapatagan ng lupa. Ang Diyos ay Diyos nga ng buhay, ng paggawa, ng pagkilos,  ng paggalaw, ng paggamit ng lakas. Mga minamahal ko, kahit na kayo’y nahihimlay, mayroon pa ring gumagalaw sa inyong kamalayan. Kahit na ang isang maysakit ay nakahiga sa banig ng karamdaman, gumagalaw pa rin, dumadaloy pa rin sa kanyang katawan ang dugo. At kahit na ang isang tao na nakaupo lamang sa isang sulok, gumagalaw ang kanyang pag-iisip, kumikislot ang kanyang damdamin, kayat lahat kayo’y gumagalaw, lahat kayo’y gumagawa, lahat kayo’y kumikilos sa subaybay ng Kaitaasan. Lamang may mga tao, may mga espiritu rin na sa kabila ng nasa kanila na ang biyaya ng paggalaw at subaybay ng Kaitaasan, pinipili pa rin na magmistulang patay dala ng kanilang kamangmangan, takot at kahinaan. Dala ng maling  nakagisnan, dala ng mga sinaunang aralin, dala ng ayaw nang baguhin ang dating gawi na punong-puno ng kamangmangan at pagkakasala. Kinakailangan kayong magpumiglas upang mabuhay. Kinakailangan kayong makibaka upang mabuhay nang malaya, nang mayroon ng direksyon, nang mayroon ng patutunguhan. Kinakailangan kayong mag-aral, suriin ang mga sariling kahinaan upang manatili kayong buhay, gumagalaw, lumilikha katulad na rin ng dakilang Ama.

Kung nais ninyong manatili sa inyo ang Diyos ng buhay, hindi ang diyos ng patay, kinakailangan kayong mabuhay sa inyong sarili, manariwa ang araling pang-espirituwal at ito nawa ang manaig sa inyong pagkatao. Kinakailangang maging mabuting lupa kayo upang ang binhi ng pag-aaral pang-espirituwal ay yumabong at magkabunga sa inyong sinapupunan. Ang layunin ng bawat isang espiritu ay magbago, marating niya ang paraiso. Hindi na kinakailangan pang mamatay ang inyong katawang lupa upang marating ang paraiso, sa gitna ng pag-aaral, pagsubok sa lugar na ito ng luha at hinagpis ay mararating at mararamdaman ninyo ang paraiso. Kapag walang galit sa inyong puso, kapag walang alalahanin sa inyong pag-iisip. Kung napipigilan ninyo ang maruruming adhikain na bumabalot at napanghihina sa inyong kalooban, kung ganap ang inyong katahimikan sa kabila ng magulong pangyayari, kung nasa inyo ang malakas na pananampalatayang sinusuhayan ng pag-aaral na pang-espirituwal, mga kapatid ko, unti-unti ay masisilayan  ninyo ang liwanag ng paraiso sa kabila ng kalungkutan, pag-aagam-agam na naghahari sa inyong kapaligiran.

Mga kapatid ko, tandaan ninyo ang salitang iniwan ni Hesus… “Hindi Siya diyos ng patay kundi ng buhay”. Diyos ni Jacob, ni Isaac at ng mga susunod pa na henerasyon. Diyos ng pagbabago, siya ang Diyos ng kaganapang pang-espirituwal, ng perfeccion na minimithi ng bawat isang espiritu. Gumawa kayo, kumilos kayo, sapagkat nilikha kayo upang gumawa. Masdan na lamang ninyo ang bahay na hindi tinitirhan, nabubulok. Ang binting hindi gagamitin, manghihina, mabubulok. Ang sandatang hindi gagamitin, kakalawangin. Ganito ang buhay ng tao, kung hindi ninyo gagamitin ang sangkapin ng karunungan at pag-ibig, na siyang kalasag ninyo upang bakahin ang kamangmangan, kakalawangin ito. Ang pagkaing hindi kakainin, mapapanis. At kung sa mga maliliit na pangyayaring ito, nagaganap, lumilipas, walang naiiwang aralin sa inyong buhay, sayang lamang ang sandaling pinahiram sa inyo kaya’t mabuhay kayo, magpunyagi, magsikap, hasain ang inyong kaangkinan upang lagi ninyong tanggapin ang Diyos ng buhay, Diyos ng pagkilos at paggalaw, Diyos ng pagkakawanggawa na manahanan sa inyo.

At katulad ng ibinabandila ng pag-aaral ng Espiritismo, walang namamatay sa tumutupad ng tungkulin sapagkat ang inyong espiritu na mananatiling buhay ay nag-iipon ng mga aralin na gagamitin niya hindi lamang sa kapatagang ito kung hindi sa dako paroon. Doon, ipagpapatuloy nyo pa rin ang paggawa, ipagpapatuloy nyo pa rin ang pag-aaral hanggang sa marating ninyo ang kabanalang mithiin ng bawat espiritu.

Ito lamang ang sa inyo ay bahagi ko. Muli ang kapayapaan, at nawa’y manatili sa inyong kalagayan ang masustansyang pagkaing pang-espirituwal na kung lumabis man ay hindi mabubulok at walang kukulangin at magugutom sapagkat higit pa ito sa mana na tinanggap noon sa kapanahuan ni ninunong Moises. At ang tinanggap ninyong pagkain ay mano nawang ibahagi ninyo sa inyong kapwa, hindi lamang din sa pamamagitan ng salita kundi higit sa lahat, biyaya ng paggawa.

Paalam, ang inyong kamanggagawa … Florencio dela Cruz.