Ang Mga Pagsubok Ay Paraan Upang Tayo’y Gumising At Bumangon Para Makatupad Ng Ating Mga Banal Na Tungkulin

ARKANGHEL RAFAEL
Medium: Kap. na Ligaya
May 8, 2021 / 4:07 PM

Ang ganap na kapayapaan ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban, at ang katapatan ng inyong mga tunay na pagkatao ang siya nawang maghari ngayon at magpakailanman.

Damang-dama ninyo na ang panaho’y nagmamadali sa kanyang paglipas bawat sandali. Kung papaanong nadarama ninyo ang matuling paglipas ng mga sandali, kayo na mayroon na ng malawak na pagkaunawa sa kalihiman ng buhay ay inaasahan ng Kabatlayaan na kayo’y makakaalinsabay sa pamamagitan ng walang humpay na pakikipag-aral, walang humpay na pakikiramdam, walang humpay na pakikihalubilo upang ang mga sandaling sa inyo ay pinagkakaloob ay lalong magiging kapakipakinabang.  Sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala ang Kabatlayaang kaya ninyong sumabay sa pagtupad at paglalahad ng mga ginintuang mga aral na sa inyo ay pinagkakaloob sa pamamagitan ng inyong mga kaalaman na lagi na’y isinisiwalat, ipinararamdam, patunay lamang ang marubdob na pagnanasa kung papaanong ang lahat at bawat isa ay nagnanasang matanggap ng tao ang simulaing ito ng Espiritismo. Matanggap ng tao ang masaganang pagpapala ng Kaitaasan upang kayo nga sa inyong mga kalagayan ay maging handa sa anomang ipagkakaloob ng Amang nasa mga Langit.

Alalaumbaga mga minamahal ko ang ibig kong sabihin, sa pahong itong namamalas ninyo at inyong nadarama na ang dakilang Ama’y walang humpay sa paghahatid ng masaganang biyayang gigising upang ang mga nahihimlay, natutulog sa banig ng kamangmangan ay magulantang sa kanilang mga sarili at maisip din na sila pala’y may mga banal na tungkuling dapat gampanan. Kaya nga mga minamahal ko, magsibangon kayo, tumindig, buhatin ang inyong mga higaan, ipagpatuloy ang mga naantalang paglalakbay upang huwag kayong magsipagsisi, huwag kayong malungkot kung dumating na nga ang mga panahon ng inyong paglisan, katapusan ng inyong pakikitalad sa kapatagang ito ng mga hugis. Magpakasipag kayo sa inyong mga pang-araw-araw na buhay. Hindi lamang ang kayo’y maghanap ng inyong ipang-aadlong-buhay kundi higit na’y maghanap kayo at magtipon ng mga kayamanang hindi mananakaw ng mga magnanakaw. At kung sa kabila ng inyong pagpapagod o kapaguran, darating sa inyo ang tinig ng ating Panginoon… “Halina kayo at magsipagpahinga upang madama ninyo ang ganti ng inyong mga pagpapakasakit. Halina na kayo at magsipagpahinga upang madama ninyo ang kaluwalhatian at kapayapaan na siyang kahahantungan ng inyong mga pagpapasakit sa papamagitan ng pagsasagawa, pagpapaunawa, pagpapadama sa inyong mga kapaligiran na kayo nga’y mga anak ng Diyos at kailan ma’y hindi kayo pinabayaan.”

Kung mauunawaan lamang ng tao na ang mga biyayang tinatamo sa kapatagang ito’y bahagi ng pagmamahal ng dakilang Ama. Sinabi kong pagmamahal sapagkat nang dahil sa Kanyang kapangyarihan, katarungan, nagagawan Niyang ang mga nilikhang walang silbi ay pukawin, ang mga nilikhang nalilibang sa alindog ng daigdigan ay mangagising upang sila’y magsipagsisi at magsipagbalik-loob sa Amang sa kanila ay nagbigay buhay. Kaya nga mga minamahal ko, huwag ninyong alintanahin ang init ng kalikasan. Huwag ninyong alintanahin ang mga hirap at pagod na nararanasan ng inyong mga pagkatao habang kayo ay naghahanap, habang kayo ay nagbubungkal ng mga kayamanan ng Kaitaasan sa mga bukirin ng Panginoon. Hindi kayo kailanman magsisisi, bagkus ay pagpapasalamat ninyo ang mga biyayang sa inyo ay dumarating, maging ito’y pagkaputi ng buhay ng inyong mga mahal sa buhay, maging ito’y mga kapighatian ng inyong mga pagkatao at ito’y nalalaman ninyo na bahagi ng inyong pakikitalad at ito’y bahagi ng inyong mga pagkatao. Ito’y mga kakulangang kinakailangang kamtin upang masilayan ninyo ang kabuuan, ang kahalagahan ng buhay at pagkakataong sa inyo ay pinagkaloob ng dakilang Ama.

Humayo kayo ng mga lakad, taglay ang mga ilawang natamo ninyo sa inyong mga pakikipag-aral. Taglay ang kalakasan upang huwag kayong sumuko sa anomang mga pagsubok kung hindi, lalo kayong tumatag, lalo kayong magtumibay sa inyong mga kalagayan na nalalaman ninyong sadyang ito ang kinakailangan upang magapi ninyo ang mga tuksong sa inyo’y nakapaligid at maipagmalaki ang inyong pakikipag-aral sa abang simulaing ito ng Pag-ibig.

Iyan mga minamahal ko maikling araling sa inyo ay aking maipagkakaloob. Magalak kayo sa inyong mga kalagayan at sa dako paroon ng inyong mga pagpapasakit, naghihintay ang isang katagumpayan, ang isang kapayapaan, isang kaligayahang nagmula sa inyong mga pagpapakasakit at matapat na pagnanasang ang simulaing ito ay madala ng inyong panyapak sa apat na sulok ng daigdig.

Muli ay mabigkis kayo sa ganap na pagkakaisa. Madama ninyo ang mga lihim na kalakasan upang kapit-kamay ninyong dalhin ang anomang mga kabutihan at kabanalang ipinagkakaloob sa inyong ng mga Kabatlayaan ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Rafael.