APOSTOL MATEO
Medium: Kap. na Robit
May 8, 2021 / 4:34 PM
Isang mapagpalang pag-aaral ang bati ng Kaitaasan sa lahat at bawat isa, at nawa’y ang mga aralin na sa inyo ay pinagkakaloob ay maging tuntungan, maging lakas, maging ilaw ng bawat isa upang higit na maging masigla, maging matatag sa paglalakbay sa dako paroon ng buhay ngayon at hanggang sa wakas.
Mga minamahal na mag-aaral, nalalantad sa inyong mga mata, sa inyong mga pandinig, sa inyong mga kamalayan ang kahalagahan ng buhay sa kapatagang ito. Ipinakikita ng mga pangyayari kung papaano kadaling binabawi ang buhay ng tao. Hindi man kayo naroroon sa kalagayan ng inyong mga kapwa ay tila baga ang mga pangyayari ay tumatagos sa inyong kaibuturan ng puso, ang mga panhihinayang, ang mga kalungkutan, ang mga pagdadalamhati ng inyong mga kapwa sa panahon ng kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay. At dahil sa mga kamalayan na inyong nakikita, na inyong naririnig ay unti-unting nabubuksan ang inyong mga kaisipan kung gaano kahalaga ang isang makabuluhan na buhay. Inyong napagtatanto na ang kahulugan ng buhay ay hindi nababatay sa yaman, hindi tinitingnan ang mataas na pinag-aralan.
Hindi nangangahulugan na ang makabuluhang buhay na ikaw ay kinikilala o tanyag sa lipunan na iyong ginagalawan, kundi ang isang makabuluhang buhay ay nagsasabi na ikaw ay malakas kung marunong kang kilalanin ang iyong kahinaan at nalalaman mo kung paano mapaglalabanan ang mga kahinaang ito. Ikaw ay malakas kung nalalaman mo kung papaano haharapin ang mga hamon ng buhay at kung papaano mo mapagnanagumpayan ang mga pagsubok na mapagpapahina sa iyong kalagayan. Ikaw ay marunong kung nalalaman mo kung papaano gagamitin ang mga aralin na sa iyo’y pinagkakaloob. Ikaw ay maganda kung papaano mo pahahalagahan ang mga kapintasang mayroon ka, kung paano mo gagamitin ang mga ito upang ikaw ay mapabuti, maging maganda sa harap ng iyong kapwa sa kabila ng iyong mga kapintasan at gagamitin mo itong hagdanan upang anoman ang kapintasang mayroon ka ay maging daan ito tungo sa pagkaunlad. Ikaw ay pinagpala kung nalalaman mo kung paano mo paramihin ang mga biyayang mayroon ka upang ikaw ay makatulong, upang mahipo mo o maging bahagi ka ng buhay ng iba.
Kung kaya’t sa iyong pag-iisa ay iyong iisipin at uunawain ang kahalagahan ng buhay na sa iyo ay pinahiram, nalalaman mo ang mga panahong nagdaan ay isang mahalagang pagkakataon upang ang buhay na ito ay tunay na maging makabuluhan hindi lamang para sa iyong sarili kundi para sa iyong kapwa.
Kung kayat sinasabi ng kasalukuyang panahon, ikaw man ay nasa kalagayan ng kabataan, malakas, maraming nalalaman o ikaw man ay nasa panahon ng takipsilim, nawa’y iyong nauunawaan ang kahalagahan, ang mensahe ng kasalukuyang panahon na anomang oras, ikaw ay magsusulit, ikaw ay babalik sa Ama kung kaya’t ang tanong … Nakahanda ka ba? Ang buhay na mayroon ka ay makabuluhan? Ikaw ba ay nakaganap na iyong tungkulin?
Muli, isang pagpapaalala, isang pagtapik sa inyong balikat, isang pagtawag sa bawat isa kung kayo man ay nakalilimot, kung kayo man ay nagiging abala, ang bawat isa ay may sinumpaang tungkulin. Muli, isang mapagpalang pag-aaral sa lahat at bawat isa at nawa’y muling bumalik sa inyong kamalayan ang inyong sinumpaang tungkulin.
Paalam at nawa’t taglayin ninyo ang kasiglahan, gayundin kalakip ang mga aralin na siyang tatanglaw sa bawat isa, magbibigay ng kalakasan, magbibigay ng proteksyon sa paglalakbay sa dako paroon ng buhay.
Paalam ang inyong patnubay … Mateo.