Paano Maabot Ng Tao Ang Hangganan Ng Kanyang Buhay?

APOSTOL JUAN
Medium: Kap. na Gigi
May 8, 2021 / 4:59 PM

Sumainyo ang pagpapala ng Kaitaasan at nawa’y kapayapaan ang siyang maghari ngayon at magpakailanman.

Gaano kahalaga ang buhay? Gaano kahalaga ang pinahiram na buhay ng Diyos sa Kanyang mga anak? Kung papaanong napakahalaga ng buhay ng tao ay ganoon ding kahalaga ang kalakasang tinataglay ng inyong bawat katawan. Sapagkat sa kalakasan ng inyong mga katawan ay doon nakabatay kung maaabot ba ng tao ang hangganan ng buhay na ipinagkaloob at pinahiram ng Diyos. Kung papaanong tinitipid ng tao ang kanyang tangkilikin, ang salaping tangan sa kanyang mga kamay upang makasapat sa pang-araw-araw na buhay ay ganoon ding nararapat tipirin ng tao ang kalakasan ng kanyang katawan upang maabot niya ang hangganan ng kanyang buhay. Nang dahil sa pagmamahal at pag-ibig ng Diyos, binigyan niya ng pagkakataon ang bawat espiritu o tunay na “ako” ng tao’y magkaroon ng pagkakataong paulit-ulit isilang sa daigdigang ito ng mga hugis.

Mga iniibig na kapatid, hindi lamang minsan nabuhay ang tao at hindi lamang siya minsang mabubuhay sa daigdigang ito ng mga hugis, sapagkat ang Diyos ay makatarungan at puspos ng pag-ibig kung kaya’t binibigyan Niya ng pagkakataon ang bawat tunay ninyong “ako” na muling magkaroon ng isang katawang laman na gagamitin upang muling makitalad sa daigdigang ito. Napakahalaga ang isang yugto ng buhay na sa inyo ay pinagkaloob, kaya’t ito’y hindi nararapat na sayangin bagkus ay pahalagahan, alamin ang kahalagahan nito, alamin kung bakit ang tao ay naririto sa daigdigan ng mga hugis, kung bakit may buhay na pinahiram ang Dakilang Lumikha.

Kung gaano kahalaga ang buhay ay ganoon ding kahalaga ang kalakasan kaya’t ang kalakasan ng bawat katawang laman ay kinakailangan na titipirin din ng tao upang maabot niya ang hanggang ng buhay at upang maipagpatuloy ang kanyang sinumpaang tungkulin at mapagbayaran din ang kanyang mga nagawang pagkakasala o pagkakautang para ang kanyang tunay na “ako” ay makabalik sa kaharian ng mga Langit.

Papaano titipirin ang kalakasan ng kanyang katawang laman? Sapagkat maraming mga bagay ang tunay na nagpapahina at tunay na umuubos ng lakas ng inyong katawang laman, katulad ng pagkakaroon ng mga negatibong damdaming nararamdaman ng tao, mga damdamin ng pagkainggit, damdamin ng pagkamakasarili, damdamin ng labis na pagmamahal sa sarili, damdamin ng pagkatakot, pagkalungkot, pagkabahala, mga damdamin ng pagkagalit na tunay na umuubos ng kalakasan ng bawat katawang laman. Gaano kahalaga ang kalakasan ng katawang laman? Sapagkat sa mga sandali ng paghina ng tao ay naroroon ang pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng karamdaman o sakit ng katawang laman. Batid ng lahat at bawat isa na ang karamdaman ay nagmumula sa mga maling gawain, sa kapabayaan, sa maraming  mga pagkukulang at sa mga kasalanan. Ano ba ang mga kasalanang ito na nararapat talikdan ng tao? Anong mga bagay na ang mga tao’y nagkakasala? Lahat ng sangkapin ng tao ay maaaring magkasala. Ang kanyang mga paningin, paningin, dila, mga bisig at panyapak, ang kanyang pag-iisip, ang kanyang puso. Upang hindi magkasala at maiwasan ito ng tao, kailangan niyang bantayan ang lahat ng bahagi ng kanyang katawang laman. Kinakailangan niyang bantayan ang kanyang pag-iisip, ang tinitibok ng kanyang puso.

Mga iniibig na kapatid, higit na nagkakasala ang kaisipan ng tao ng dahil sa karumihan ng kanyang iniisip. Kailangan itong linisin ng bawat mga kapatid. Sapagkat kung marumi ang kaisipan, ang lahat na gawain ng kanyang kapwa ay nagkakaroon ng ibang kahulugan. Kaya’t mahalagang magkaroon ito ng kalinisan. Kung papaanong ang inyong katawang laman ay nililinis at pinaliliguan ay gayon din dapat sa pag-iisip. Sapagkat sa mga sandali na ang kaisipan ng tao ay magkaroon ng karumihan ay nadadamay na ang tibukin ng kanyang puso. Kung masama ang tibukin ng inyong puso, saan mapupunta ang pag-ibig? Puso ang umiibig, isip ang nagdidikta. Kailangan na ang pag-iisip ng tao at ang kanyang puso ay dapat manatili sa kalinisan nito.

Huwag ipagtaka ng bawat isang kalagayan na kung minsan nasa iyong kaisipan, “hindi naman nagkakasala ang aking mga paninigin, hindi ako humuhusga”, “hindi naman nagkakasala ang aking mga pandinig dahil ang dinidinig ko lamang ay tanging may kagandahan”, “hindi naman nagkakasala ang aking dila sapagkat ang aking sinasabi ay pulos mga mabubuting kataga o salita”, “hindi naman nagkakasala ang aking mga bisig sapagkat wala akong sinasaktan”, at “hindi naman nagkakasala ang aking mga panyapak sapagkat aking dinadako lamang ito sa lugar kung saan ang aking sarili’y mapapabuti.” Subalit bakit nagkakaramdam pa rin ang tao kung hindi naman nagkakasala ang mga sangkaping ito ng tao? Sapagkat mayroon kang nalimutan, na ang iyong pag-iisip ay tunay na nagkakasala sanhi ng karumihan ng dumadaloy dito na mga isipin.

At naroon din ang puso, naroon din ang pagkakasala. Kung naroroon sa iyong puso ang pagdaramdam, paninibugho, galit, inggit, hindi man ganap na ang buong sangkapin ng iyong katawang laman ay nagkakasala, dahil sa dikta ng pag-iisip na marumi sa iyong puso, ang iyong katawang laman ay tunay na magkakaramdam dahil sadyang makapangyarihan ang pag-iisip at dinarama ng puso. May kailangang bantayan at baguhin sa iyong pagkatao, sa kinikilos, sinasabi, iniisip at tinitibok ng puso. Iwasang pag-isipan nang hindi maganda ang kapwa. Walang kabuluhan ito, makadarama ka lamang ng pagkagalit sa iyong kapwa na ang dulot ay karamdaman. Bantayan ang lahat ng sangkapin ng iyong katawan.

Mahalaga ang buhay, mahalaga ang kalakasan, dahil sa inyong kalakasan ay malaya kayong makakakilos, makagagalaw at makagagawa ng mga naaayon sa kabutihan at kabanalan. Kung ang inyong katawang laman ay naroon sa kahinaan at malubhang karamdamanan, paano makakikilos at gagalaw ang katawan? Magdudulot ito ng pagkabalam sa pagpapatuloy ng pagtupad ng mga tungkulin.

Pag-isipan ninyo ito, tila ngayon ay mas dumarami ang hindi umaabot sa hangganan ng buhay na sa kanya’y pinagkaloob. Mula pa lang sa pagkasilang ng tao ay nakatakda na ang hangganan ng kanyang buhay. Bakit nangyayaring hindi umaabot ang tao sa naturang hangganan? Sapagkat naroon ang damdamin ng tao na pagiging negatibo. Sa panahon ngayon na marami ang nalulungkot, natatakot, nababahala, at sa mga damdaming ito ay humihina ang katawang laman ng tao, kaya’t sakaling magkaroon ng karamdaman ay humihinang lalo ang katawan ng tao at nauuwi sa kamatayan.

Hindi lamang namamatay ang tao sa malubhang karamdaman, ang kalungkutan ay nagiging sanhi rin ng kamatayan. Ang pagkabahala, pagkatakot ay nagiging sanhi rin. Sapagkat sa mga damdaming ito ay nanghihina ang katawang laman at mas higit na nalalapit ang tao sa mga karamdaman na maaaring humantong sa kamatayan. Napakahalaga ang kalakasan ng katawang laman kayat huwag sayangin ang kalakasang ito nang dahil lamang sa pagkagalit at iba pang negatibong damdamin gaya ng kalungkutan, takot, karumihan ng pag-iisip at maging sa hindi magandang itinitibok ng puso.

Palakasin ang bawat katawang laman sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan. Palakasin ang bawat katawang laman sa pamamagitan ng pananalig at pananampalataya na kailan man ang Diyos ay hindi ka pababayaan.

Iwasan ang negatibong damdamin, palitan ito ng mga positibong damdamin. Napakahalaga na nasa tao ang kapayapaan at kaligayahan. Kapag masaya ang tao ay nalalayo kayo sa anumang karamdaman. Hindi ito ang kaligayahang nauukol sa materyal kundi kaligayahang nakukuha mula sa paggawa ng mga kabutihan at kabanalan. Kaligayahang magdudulot ng kalakasan ng bawat katawang laman, kaligayahang magdudulot ng kalakasan ng inyong mga espiritu o tunay na “ako”.

Muli ay kapayapaan ang aking iiwan, bantayan ng aking mga iniibig na kapatid ang lahat ng sangkapin ng katawan. Linisin ang inyong pag-iisip, ang inyong puso. Iwasan ang negatibong damdamin upang mapahalagahan ang buhay at magkaroon kayo ng sapat na lakas upang makatupad kayo ng mga tungkulin, makagawa ng mga kabutihan at kabanalan, upang maabot ninyo ang hangganan ng buhay na pinagkaloob sa inyo ng Diyos.

Kapayapaan, ngayon at hanggang wakas. Ang inyong patnubay … Juan. Paalam.