Isabuhay Ang Dakilang Batas

APOSTOL SANTIAGO
Medium: Kap. na Gina
May 15, 2021 / 4:07 PM

Pagharian kayo ng liwanag at kapayapaang nagmumula sa Kaitaasan, at nawa’y ang kapayapaang ito ay magdulot sa inyo ng kapayapaan ng inyong buhay upang kayo’y makaganap sa inyong mga sinumpaang tungkulin, ngayon at magpakailanman.

Tinuturo sa inyo ng pag-aaral ng simulaing ito ng Espiritismo ang Dakilang Batas na kinakailangang tumatak sa kaibuturan ng inyong pagkatao sapagka’t ito ay bunga ng pag-ibig ng dakilang Diyos sa isang nilalang. Kaya’t andoon ang pakikipag-ugnayan ng bawat isang kaluluwa na nagnanais na magkaron ng panibagong buhay na haharapin upang makabayad sa kanilang mga pagkakautang.

Sa pagpapaalam ng kanilang espiritu sa kanilang magiging ina, nandoon ang panalangin, ang pagbibigay ng biyaya at basbas upang sila’y magkasama sa daigdig ng hugis at anyo. Alalaumbaga’y produkto o isang sangkap ng pag-ibig ng dakilang Diyos upang magkaroon ng biyaya ng pag-asa na ang dakilang pag-ibig sa Diyos at sa kanyang kapwa ang mag-uugnay sa kanyang pagkatao na siya niyang iiwan kapag dumating na ang takdang oras ng kanyang paglisan. Sa bawat paglisan ng kaluluwa, may panibagong buhay na sinisilang, kaya’t napakahalaga na ang natitirang oras o panahon ng isang tao ay alagaan ang kanyang itinanim na kadakilaan o kabutihan upang ito’y mamunga, pagtiyagaan, kalakip ang biyaya ng paghihirap, kalakip ang biyaya ng paghahangad na siya’y masulong kung kaya’t nandoon ang mga tiisin ng buhay, nandoon ang biyaya ng paghihirap upang ito’y mamunga, upang ang kaluluwa’y matuto upang maging matibay, mabunga, na siyang pakikinabangan ng kanyang kapwa, na sa kanyang paglisan ang iiwan niya’y kapakinabangan hindi lamang ng kanyang pamilya kundi ng kanyang kapwa na mayroon ng inspirasyon na magkaroon ng panibagong pananim, pananim ng kabutihang titimo sa isang kapwa na ito’y makapang-akay ng bawat kaanak na siyang magpapakita kung ano ang tunay ng pag-aaral, o tunay na kahulugan ng Dakilang Batas.

Mga minamahal na mag-aaral, hindi lamang sa isip, hindi lamang sa puso kinakailangang tandaan ang aral ng simulain ng Espiritismo kundi higit sa lahat ay sa paggawa, patuloy at walang sawang paggawa sapagkat sa kabila ng daratnan ninyong buhay sa paglisan dito sa kapatagang lupa ay nanaisin pa rin ng inyong kaluluwa ang muli at muling mabuhay upang magkaroon ng banal na pamumuhay sa huling sandali o kahuli-huliang beles ng kanyang buhay. Samakatuwid, hindi lamang ang kahalagahan ng inyong pag-aaral ang kinakailangan ninyong pag-ingatan kundi ang bawat pagkilos, pagkumpas ng mga kamay, ang paghakbang ng inyong mga panyapak, pagbigkas ng inyong mga labi sapagkat katotohanang dito nagmumula ang isang pagkakamaling nagiging pagkakasala, sapagkat paulit-ulit na ito’y nagagawa dahil na rin sa kakulangan ng aral sa kasaysayan ng banal na kasulatan.

Marami pang mang-mang sa katotohanan ng buhay na kinakailangang gisingin ng pag-aaral ng simulain ng Espiritismo, pero paano ba ito magaganap? Paano ba ito gagawin ng isang mag-aaral? Magpakita kayo ng kabutihan sa inyong kapwa sa inyong pagkilos, sa pagbuka ng inyong mga labi ay makapang-aakit kayo sa inyong mga kapwa sa tunay na aralin na binabahagi sa inyo ng Kabatlayaan. Ibigay ninyo ang pag-ibig ng isang katuruan na nagbibigay sa inyo ng karunungan upang maipakita sa kapwa ang tunay na lihim ng aral sa pamamagitan ng buhay na nagaganap sa inyong mga paligid. Hindi na kinakailangang magsalita pa sa inyo ang inyong kapwa upang  kayo’y magbahagi, sapagkat bilang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo’y mayroon kayong angking biyaya na pinagkaloob ng Kaitaasan upang madama ninyo ang pangagailangan ng sa inyo ay nagnanais na maghangad ng tulong o isang kaunawaang magbibigay ng pagkakataon upang makita ang tunay na binahagi ng inyong pag-aaral.

Mga minamahal ko, hindi alam ng bawat isa ang mangyayari bukas, ang mangyayari sa loob ng isang oras, tanging ang dakilang Ama lang ang nakakaalam. Kaya ang panawagan sa inyo’y magmadali kayo, huwag mag-aksaya ng oras at panahon sapagkat sa bawat pagkilos, minuto, oras na dumadaan ay mayroon itong kinakailangang maganap o magampanan ang inyong mga kaluluwa upang sa kanyang takdang panahon ay magkaroon ng laman ang kanyang lukbutan .

Patuloy na pag-aaral sa pamamagitan ng karanasan ng buhay, patuloy na pag-aaral sa pamamagitan ng biyaya ng buhay, patuloy na pag-aaral sa pamamagitan ng karunungan at pag-ibig ng simulain ng Espiritismo upang ang bawat sandali ng inyong buhay ay madiligan ninyo ang inyong pananim ng biyaya ng pag-ibig ng dakilang Diyos upang sa inyong paglisan ay mayroong bunga, mayroong bulaklak o sabihin nating isang usbong na iniwan ng isang kaluluwang nagnais na makatupad ng tungkuling sinumpaan mula pa sa dakilang Diyos.

Ito lamang mga minamahal na mag-aaral ang munting aral na maibabahagi ko sa pagkakataong ito. Muli’y iiwan ko ang kapayapaan, kaliwanagan ng inyong pag-iisip, damdamin at kalooban upang magamit ninyo sa pag-uugnay ng bawat aral o karunungang inyong nakakamtan sa inyong pag-aaral ng simulain ng Espiritismo, ngayon at magpakailanman.

Patuloy na nakikipag-aral at nakikibahagi sa inyo ang inyong … Apostol Santiago.